Home NATIONWIDE Pagpapadala ng fighter jets sa Pitch Black 2024, walang kinalaman sa isyu...

Pagpapadala ng fighter jets sa Pitch Black 2024, walang kinalaman sa isyu ng WPS – PAF

MANILA, Philippines – Walang kinalaman sa nagpapatuloy na tensyon sa West Philippine Sea ang pagpapadala ng Pilipinas ng mga fighter jet para sa Pitch Black Exercises 2024 sa Darwin, Australia.

“Sa mga nangyayari ngayong issue o concern lalo na sa ating mga rehiyon, ito ay hindi directly involved doon sa issue na ito dahil wala pa man iyon ay matagal na tayong lumalahok sa mga ganitong exercise,” ayon kay Philippine Air Force (PAF) Lieutenant Colonel Mario Mendoza, miyembro ng PAF contingent.

“Nagkataon lamang na ngayong taon na ito o iterasyon ng Pitch Black 2024, naglayon na tayo na sumali na kasama ang ating mga eroplano,” dagdag pa niya.

Sa mga nagdaang serye ng Pitch Black, mga tauhan lamang ang ipinadala ng PAF para maging observers.

Kabilang sa mga exercise ay ang interoperability flights, night flying, simulated aerial attacks at interdiction sa pagpasok sa airspace ng bansa sa unidentified aircraft.

Dalawamput isang bansa ang lumahok sa mga exercise na nagsimula ngayong araw, Hulyo 8.

Dumating na sa Australia ang mga fighter jet mula United States, United Kingdom, Japan, Canada, France at Germany habang ang mga fighter jet mula sa Pilipinas ay nasa biyahe pa rin.

Nasa 200 tauhan ng Philippine Air Force (PAF) ang magiging bahagi ng exercises.

Ang Pitch Black ay isang biennial “multi-national large force employment exercise” na tatakbo sa loob ng tatlong linggo. RNT/JGC