NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order No. 162 na nagsasaad ng pagtanggap sa Philippine National ID System, bilang “sufficient proof of identity and age in all forms of transactions” sa mga pampubliko at pribadong tanggapan ng bansa.
Itinatadhana ng Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System Act, na ang national ID ang government’s central identification platform for all citizens and resident aliens.
Kabilang ito sa pangunahing ID’s na kinikilala ng bansa kasama ang professional license, driver’s license at passport.
Ipinagbabawal ng Philippine Statistics Authority (PSA) na magpaimprenta sa polyvinyl chloride (PVC) card ang digital national ID. Kung sino nagpagawa ng PVC card, may naghihintay na parusa at multa sa mga lalabag.
Sa inilabas na advisory ng PSA na may lagda ni national statistician Claire Dennis Mapa, sinabi nitong ang paglalagay ng digital national ID sa PVC ay paglabag sa section 19 ng Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System Act. Ang mga lalabag ay maaaring mahatulang makulong ng mula tatlo hanggang anim na taon at multang mula Php 1 million hanggang Php 3 million.
Hiningi ng PSA ang tulong ng publiko na kung may mga nalalaman silang gumagawa o nag-aalok ng PVC-type digital national ID ay maaaring magsumbong sa PSA sa pamamagitan ng email address na [email protected] o sa National ID Hotline na “1388”.
Maaari ring ipagbigay-alam ang mga institusyong tatangging kilalanin o tanggapin ang digital national ID, may kaparusahan itong multa na hanggang Php 500,000.
Ipinag-utos na ng PSA na huwag tanggapin at kilalanin ang mga digital national ID na nasa PVC. Maaari lamang i-laminate ang digital national ID.
Pinag-iingat din ng PSA ang publiko sa mga nag-aalok na bibilhin ang mga detalye ng kanilang digital national ID.
Maaaring ma-download sa https://national-id.gov.ph o sa eGovPH ang digital national ID pero mangangailangan na ilagay ang inyong demographic information at magkakaroon ng facial verification para makumpirma ang pagkakakilanlan. Magkakaroon ng portable document format (PDF) version ang inyong ID.
Para naman makumpirma kung totoo ang digital national ID na hawak n’yo a maaaring bumisita sa http://evrify.gov.ph/check.