MANILA, Philippines- Kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA) na may sapat na suplay ng holiday food staple, tulad ng sibuyas, karne ng baboy, manok, baka, at bigas, sa pagpasok ng bansa sa “ber” months.
Sa kanyang pahayag sa media forum sa Quezon City, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na hindi lamang mayroong sapat na suplay ng nasabing food items, kundi wasto rin umano ang presyo nito dahil sa pag-aangkat at masaganang harvest season ng mga sibuyas.
“Iyong in terms sa supply ay bumabalik na po ulit sa dati at nakaprograma na naman din iyong importation natin ng karneng baboy at karneng manok, kasama na iyong baka,” pahayag ng opisyal nitong Sabado.
“Iyong bigas, napakaganda rin ng ating supply both local and imported despite iyong mga nangyaring kalamidad mula El Niño at iyong mga sunud-sunod na bagyo,” dagdag niya.
Inilarawan ni De Mesa, tagapagsalita ng DA, ang presyo ng sibuyas sa kasalukuyan na “very fair” sa pagpalo ng presyo ng pulang sibuyas sa pagitan ng P75 at P120 kada kilo, habang ang puting sibuyas ay nasa pagitan ng P100 ay P120 kada kilo. RNT/SA