Home NATIONWIDE Pagpapalakas ng literacy sa learning recovery ipinanawagan ni Legarda

Pagpapalakas ng literacy sa learning recovery ipinanawagan ni Legarda

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Sen. Loren Legarda ang pagpapalakas ng literacy programs bilang pangunahing bahagi ng learning recovery efforts ng bansa, kasabay ng paggunita sa International Literacy Day.

“Nagsisimula sa pagbasa ang pagkatuto. Kapag nauunawaan ng isang bata ang kanyang binabasa, mas kaya niyang sumabay sa mga aralin at matuto nang mag-isa. Kaya dapat malinaw ang ating prayoridad: tiyaking marunong bumasa at umunawa ang bawat batang Pilipino,” ani Legarda.

Ayon sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nasa 40 porsyento ng mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 10 ang struggling readers sa simula ng School Year 2025–2026.

Pagsapit ng Marso 2026, tumaas naman mula 19 porsyento hanggang 48 porsyento ang mga Grade Level Ready o independent readers. Gayunman, isa sa bawat dalawang mag-aaral ang nanatiling hindi umabot sa inaasahang reading proficiency sa kanilang baitang.

Ayon kay Legarda, mahalaga ang naging papel ng mga guro at paaralan sa pagtaas ng reading levels, ngunit kailangan pang maabot ng mga programa ang mas maraming bata at mapanatili ang suporta habang umaakyat sila sa mas mataas na baitang.

Mas kapansin-pansin ang problema sa senior high school. Sa pilot Senior High School Literacy and Numeracy Assessment ng DepEd, 12.58 porsyento lamang ng Grade 11 learners ang classified bilang independent readers.

Ibig sabihin, halos 87 porsyento ng Grade 11 learners ang hindi pa nakakabasa nang malaya, kabilang ang 58.9 porsyentong nasa frustration level at 28.5 porsyentong nasa instructional level.

“Hindi dapat umabot sa senior high school ang isang bata na hirap pa ring umunawa sa kanyang binabasa. Dapat matibay na ang pundasyon niya sa pagbasa bago pa man maging mas komplikado ang mga aralin. Kaya kailangang matukoy at matugunan nang maaga ang kanyang pangangailangan, at maipagpatuloy ang suporta habang siya ay nag-aaral,” ani Legarda.

Kabilang sa mga hakbang na isinusulong ni Legarda ang Senate Bill No. 1853 o K to 3 Foundational Learning and Nurturing Care Act, na naglalayong palakasin ang language, literacy at numeracy mula Kindergarten hanggang Grade 3.

“Hindi sapat na mabasa lang ang mga salita. Dapat naiintindihan ng bata ang mensahe at nagagamit niya ang kanyang binabasa upang matuto at makapag-isip. Iyan ang literacy na kailangan natin, iyong nagbibigay sa bata ng kakayahang matuto, pumili, at magkaroon ng mas maraming oportunidad sa buhay,” ani Legarda.

Ipinagdiriwang ang International Literacy Day tuwing Setyembre 8. Ngayong taon, ika-60 anibersaryo nito, na may temang “Literacy for people, the planet and prosperity.” RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here