Home NATIONWIDE Pinoy inaasahang mas hahaba buhay sa 2035 – PSA

Pinoy inaasahang mas hahaba buhay sa 2035 – PSA

2
0

MANILA, Philippines – Inaasahang hahaba pa ang life expectancy ng mga Pilipino sa susunod na dekada, habang patuloy na mas mahaba ang buhay ng kababaihan kumpara sa kalalakihan, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay Teodoro M. Orteza, chief statistical specialist ng PSA Demographic and Health Statistics Division, tataas ang life expectancy sa kapanganakan mula 66.7 taon para sa mga lalaki at 73.26 taon para sa mga babae noong 2020, patungong 70.42 at 77.06 taon pagsapit ng 2035.

“The life expectancy at birth is projected to increase from 66.7 years for males and 73.26 years for females in 2020 to 70.42 and 77.06 years for males and females respectively in 2035. So beyond longer lives, this trend reflects a continuing demographic transition,” ani Orteza.

Sinabi ng PSA na nagpapakita ito ng pagbuti sa mortality conditions at pangkalahatang kalusugan ng populasyon. Gayunman, nangangahulugan din ito na mas maraming Pilipino ang aabot sa mas matatandang edad, kaya kailangang paghandaan ang lumalaking pangangailangan sa healthcare, social protection, pension at iba pang serbisyo.

Mananatiling mas mahaba ang inaasahang buhay ng kababaihan kumpara sa kalalakihan hanggang 2035.

Noong 2020, nasa 7.09 taon ang agwat ng life expectancy ng babae at lalaki. Inaasahang liliit ito sa 6.55 taon sa 2026 at magiging 6.64 taon pagsapit ng 2035.

Ayon kay Orteza, kabilang sa mga dahilan ng agwat ang mga sanhi ng pagkamatay na mas karaniwan sa mga lalaki, kabilang ang epekto ng ilang bisyo.

“So, mayroon dito siyempre ng kontribusyon iyong mga vices for the males. And based on the mortality and on the child mortality rates, mas pinapakita by sex na mas maraming nagko-continue, mas maraming kababaihan ang nabubuhay in terms of the child mortality as compared to male,” ani Orteza.

Inaasahang tataas ang life expectancy sa lahat ng rehiyon, ngunit mananatili ang malaking pagkakaiba.

Ang National Capital Region (NCR) ang inaasahang may pinakamataas na life expectancy. Para sa mga lalaki, tataas ito mula 72.09 taon noong 2020 sa 75.31 taon sa 2035. Para naman sa mga babae, mula 79.42 taon ay magiging 82.04 taon.

Samantala, mananatiling pinakamababa ang projection sa SOCCSKSARGEN. Para sa lalaki, tataas ang life expectancy mula 61.79 taon sa 66.68 taon, habang para sa babae ay mula 68.51 taon sa 73 taon.

Pagsapit ng 2035, tinatayang aabot sa halos siyam na taon ang agwat ng NCR at SOCCSKSARGEN para sa parehong kasarian.

Ayon sa PSA, kabilang sa nakaaapekto sa regional differences ang mortality conditions at child mortality. Mahalaga rin ang access sa healthcare, maternal at newborn services, at skilled birth attendance sa kaligtasan ng mga bata.

Sinabi ni Orteza na ang mortality ng mga batang edad 0 hanggang 4 ay mahalagang bahagi ng pagkukuwenta ng regional life tables.

“Ibig sabihin marami pang nire-report na namamatay at a younger age group of 0 to 4, as compared to the other regions, the child mortality is represented by children ages 0 to 4,” ani Orteza.

Binigyang-diin ng PSA na ang life expectancy figures ay bahagi ng population projections batay sa 2020 Census of Population and Housing at ginagamit upang tantiyahin kung paano magbabago ang populasyon hanggang 2035. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here