Home METRO Search ops sa mga pasahero ng nasunog na barko sa Coron pinalawak...

Search ops sa mga pasahero ng nasunog na barko sa Coron pinalawak ng PCG

1
0

MINDORO, Philippines – Pinalawak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search-and-rescue operations sa mga coastal community sa Mindoro para sa mga posibleng nakaligtas sa sunog ng passenger vessel na MV June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan.

Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog nitong Linggo, nakikipag-ugnayan ang PCG sa mga local disaster risk reduction and management office, coastal barangay at mga mangingisda sa Mindoro dahil posibleng inanod ng agos ang ilang pasahero patungo sa lugar.

Hinimok ang mga mangingisda at residente sa baybayin na manatiling alerto at agad ireport sa pinakamalapit na Coast Guard station o barangay hall ang sinumang maaaring nakaligtas o nawawalang pasahero.

Nagbabala rin ang PCG laban sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon sa social media dahil maaari itong magdulot ng takot at dagdag na pag-aalala sa mga pamilya ng mga pasahero.

Maaaring ireport ang mga posibleng survivor o missing passenger sa mga sumusunod na numero:

–Coast Guard Station Batangas: 0956-904-6652

–Coast Guard Station Oriental Mindoro: 0975-542-6908

–Coast Guard Station Occidental Mindoro: 0945-266-2085

–Coast Guard Station Northern Quezon: 0931-764-0859

–Coast Guard Station Marinduque: 0930-430-3182

–Coast Guard Station Romblon: 0930-137-7821

–Coast Guard Station Southern Quezon: 0905-429-8563

Samantala, nadagdagan ng 41 ang mga nasawing sakay ng MV June Aster matapos matagpuan ng search-and-rescue personnel ang mga sunog na katawan sa loob ng barko nitong Sabado ng gabi.

Dahil dito, umakyat na sa 76 ang death toll, habang nananatili sa 43 ang bilang ng mga nakaligtas. Labintatlo naman ang hindi pa natatagpuan.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemi Cayabyab, kabilang sa mga narekober ang isang kabaong na may lamang labi at bangkay ng isang aso.

Inilipat ang mga narekober na labi sa PCG vessel na BRP Cape EngaƱo (MRRV 4411) at nakatakdang dalhin sa Port of Borac para sa tamang disposisyon at dokumentasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here