MANILA, Philippines – Inanunsyo ng mga pamahalaan, development banks at mga kompanya nitong Biyernes, Disyembre 1, ang inisyatibo ng mga ito na gumamit ng bilyon-bilyong pondo para sa climate cash, kasabay ng COP28 summit.
Sa kasalukuyan ay nagsimula na ang mundo na ihatid ang malaking halaga ng pera na kakailanganin upang pagtulungan na itigil na ang paggamit ng fossil fuels at gumawa ng mga kasunduan kaugnay sa epekto ng climate change.
Upang tapusin na ang “deadlock” sa financing issue, sinabi ng COP28 summit host na United Arab Emirates, na mag-iinvest ito ng $30 billion para sa bagong climate investment venture.
Ito ay ang ALTÉRRA, na layong gamitin ang $250 billion ng investment hanggang sa katapusan ng dekada, na tinawag ni COP28 President Sultan Ahmed Al-Jaber bilang “defining moment” sa climate finance.
Dagdag pa ni Jaber, ito ay “the world’s largest private investment vehicle for climate change action,” at kasama rito ang $5 billion na inilaan naman sa mga mahihirap na bansa.
Kasabay nito, nangako rin ang World Bank na tataasan ang halagang ginagastos taon-taon para sa climate-related projects ng 45% sa financing nito sa 2024 hanggang 2025, mula sa 35% ngayong taon, bilang bahagi ng policy overhaul nito para mas mainam na matugunan ang climate change.
Suportado naman ito ni UN Secretary General Antonio Guterres.
Ang average annual climate finance ay pumapalo sa halos $1.3 trillion noong 2021-22, ngunit nasa $30 billion – o 2% lamang – ang napunta sa developing countries, ayon sa November report ng Climate Policy Initiative.
Sa isa pang report na inilabas nitong Biyernes ng
Independent High-Level Expert Group on Climate Finance, sinabi nito na ang investment ay masyadong maliit o “too much of that is still misdirected”.
Napag-iiwanan din umano sa clean energy ang emerging market at developing countries.
Upang sumuporta sa emerging market financial firms, inilunsad ng World Bank at iba pang multilateral lenders kabilang ang International Monetary Fund, ang Global Capacity Building Coalition.
Upang masiguro rin na hindi masasayang sa walang kaugnayang proyekto ang climate funding, inanunsyo rin ng World Bank ang plano nitong palawakin pa ang paglago ng “high-integrity global carbon markets,” na tutulong sa limang bansa sa 2024 na makapag-develop ng robust offset credits na maaaring maibenta sa merkado. RNT/JGC