MANILA, Philippines- Ikinatuwa ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12124, na nagpapatibay sa Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) at nagbibigay ng pagkakataon sa mga propesyonal na makakuha ng academic degree batay sa kanilang kakayahan.
Binigyang-diin ni Senator Go, isa sa may-akda ng batas, ang kahalagahan nito sa pagtulong sa mga Pilipinong hindi nakapagtapos ng pormal na edukasyon sa kolehiyo dahil sa kakapusan sa pananalapi ngunit may mahabang karanasan sa industriya.
“Maraming Pilipino ang hindi nakapagpatuloy ng kolehiyo dahil kailangang maghanapbuhay agad para sa pamilya. Pero hindi ibig sabihin noon ay wala na silang sapat na kaalaman at kasanayan. Dito pumapasok ang batas na ito—kung may sapat kang karanasan at husay sa isang larangan, maaari mo nang makuha ang diploma na makatutulong sa iyo sa trabaho at promosyon,” sabi ni Sen. Go.
Sa ilalim ng batas, ang mga propesyonal na may hindi bababa sa limang taon na karanasan sa kanilang industriya ay maaaring bigyan ng academic degree kasunod ng mahigpit na assessment sa kanilang kaalaman at kakayahan.
Ang Commission on Higher Education (CHED) ang magpapatupad ng programa, pagtatakda ng assessment standards, at magtatalaga ng higher education institutions (HEIs) upang magbigay ng equivalency-based degrees.
Binigyang-diin ni Senator Go na makikinabang dito ang mga skilled worker, kabilang ang overseas Filipino workers (OFWs) at ang umasenso na sa kanilang mga karera sa kabila ng kawalan ng pormal na diploma sa kolehiyo.
“Sa loob at labas ng bansa, marami tayong kababayang eksperto na sa kanilang trabaho pero walang diploma. Sa ilalim ng programang ito, hindi na magkakaroon ng kawalan ng college degree para sa promosyon at mas magandang oportunidad,” ani Go.
Upang maging kwalipikado, ang mga aplikante ay dapat na hindi bababa sa 23 taong gulang, nakatapos ng sekondaryang edukasyon, at nagpapakita ng karanasang nauugnay sa napiling industriya. Magpapatupad ang CHED ng magkakaibang pamamaraan ng assessment, kabilang ang mga pagrerebyu sa portfolio, practical demonstrations, at written evaluations upang madertermina kung karapat-dapat ang isang aplikante.
Hinimok ni Senator Go ang CHED at mga kalahok na unibersidad na tiyaking accessible, transparent, at malaya ang programa mula sa mga hindi kinakailangang bureaucratic obstacles.
“Dapat siguraduhin natin na madaling ma-access ito ng mga nangangailangan. ‘Wag nating gawing komplikado o mahal ang proseso, kasi ang mismong layunin ng batas na ito ay tulungan ang mga Pilipinong walang kakayahang bumalik sa tradisyunal na paaralan,” ayon sa senador.
“Hindi lang ito tungkol sa diploma; ito ay tungkol sa pagbibigay ng pantay na oportunidad sa bawat Pilipino na umasenso. Kapag maraming manggagawa ang may pormal na pagkilala sa kanilang kakayahan, mas lalakas ang ating ekonomiya,” ayon pa kay Go. RNT