MANILA, Philippines – Dahil sa kanyang adbokasiya para sa sektor ng kabataan, pinarangalan si Camille Villar kasama ang mga kilalang babaeng lider na kinilala sa kanilang pagsisikap na isulong ang kapakanan at karapatan ng kababaihan sa Pilipinas.
Si Villar, 40, ay kinilala sa kanyang mahalagang papel sa pagbuo ng mga polisiya at programa para sa kabataan sa Women’s Assembly 2025 na ginanap sa makasaysayang YWCA-FFPI Building sa Maynila noong Marso 8, 2025. Dinaluhan ang pagtitipon ng mga kilalang lider mula sa Pilipinas at ASEAN.
“Bilang isang milenyal at babae, batid ko ang mga hamon na kinakaharap natin sa trabaho at ang pangangailangang balansehin ang ating mga tungkulin bilang asawa, ina, at lider. Ikinararangal kong maging bahagi ng makapangyarihang pagtitipon ng mga babaeng nagsusulong ng positibong pagbabago sa ating lipunan,” ani Villar.
Nangako si Villar na ipagpapatuloy ang pagsulong sa mga pangunahing karapatan ng kababaihan at kabataan, labanan ang diskriminasyon at karahasan, at tiyaking may access ang kababaihan sa inklusibong pag-unlad, edukasyon, at sariling pagpapasya.
Bilang mambabatas, aktibo si Villar sa pagsusulong ng pagnenegosyo, kaalamang pinansyal, at pagpapaunlad ng kabataan sa pamamagitan ng sports at iba pang programa. Nagpasimula rin siya ng mga proyektong nakatuon sa pangangalaga ng kalusugang pang-ina at pang-reproductive, lalo na para sa kababaihan at mga batang ina.
Noong Araw ng Kababaihan, nakahanay si Villar sa mga kilalang personalidad tulad nina dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, Associate Justice Marian Ivy Reyes Fajardo, at business leader Teresita Sy-Coson. Kasama rin ang kanyang ina na si Senadora Cynthia Villar at iba pang kilalang babaeng lider mula sa Pilipinas at ASEAN.
Nagpasalamat si Villar kay Dr. Nona Saldana-Ricafort, Pangulo ng YWCA Founders’ Federation of the Philippines, sa pamumuno sa makabuluhang pagtitipon, at kinilala ang kontribusyon ng mahigit 20 aktibong samahang pangkababaihan sa pagbuo ng isang konkretong action plan na isasama sa Philippine Magna Carta for Women.