MANILA, Philippines – Iginiit ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na nararapat manatili sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyon ang sektor ng edukasyon, kasabay ng panawagan na kailangang panindigan at ituloy ang mga kasalukuyang reporma upang magkaroon ng pangmatagalang pagbabago para sa mga mag-aaral na Pilipino.
Ayon kay Acidre na chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, ang bansa ay lampas na sa yugto ng pagtukoy lamang sa mga problema sa edukasyon at nasa punto na ng puspusang pagpapatupad ng mga solusyon.
Aniya, ang mga hakbang ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kasama ang Kongreso, mga ahensya ng gobyerno, guro, at iba pang stakeholders, ay nagbigay ng malinaw na larawan ng mga hamon sa sektor.
“The challenge now is sustained reform,” pahayag ni Acidre.
“Education reform cannot be accomplished in one year, one Congress, or one administration. We are addressing problems that accumulated over decades. We therefore need consistency in policy, sustained investment, strong implementation, and the political commitment to stay the course until these reforms produce measurable improvements in the lives of Filipino learners.” dagdag pa nito.
Kabilang sa mga tinukoy ni Acidre nangangailangan pa ng pansin ay ang pagtatayo ng mga silid-aralan, School-Based Feeding Program, pagpapatupad ng ARAL Program, at ang suporta para sa mga mag-aaral na may kapansanan, mga katutubo, at mga nasa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).
Sa larangan naman ng higher education, binigyang-diin ni Acidre na ang sukatan ng tagumpay ay dapat lumipat mula sa simpleng pag-access patungo sa pagtatapos ng mga mag-aaral.
“For higher education, our measure of success must increasingly move from access to completion. Opening the doors of colleges and universities is only the beginning. Our responsibility is to help students remain in school, complete their degrees and credentials, and successfully make the transition to employment and productive lives,” ani Acidre.
Ipinunto rin ng mambabatas na maraming estudyante ang napipilitang huminto dahil sa gastusin sa transportasyon, pagkain, tirahan, connectivity, mga libro, at internship, kaya mahalagang suportahan ang mga mag-aaral sa buong yugto ng kanilang pag-aaral.
Hinimok din ni Acidre ang pagpapalakas sa lifelong learning, workforce development, at digital learning sa pamamagitan ng mas maayos na imprastruktura at digital competencies para sa mga guro at estudyante.
Kaugnay nito, umapela ssi Acidre na sertipikahan bilang urgent ng Pangulo ang mga panukalang batas mula sa EDCOM II upang mapalakas ang DepEd, CHED, at TESDA.
Nanawagan din ang mambabatas sa tuloy-tuloy na kolaborasyon sa pagitan ng pampubliko at pampribadong sektor ng edukasyon. Gail Mendoza