Home NATIONWIDE Pagpapauwi kay Velozo sa Pinas kinumpirma ng DFA

Pagpapauwi kay Velozo sa Pinas kinumpirma ng DFA

MANILA, Philippines – KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pinag-usapan ng Pilipinas at Indonesia ang posibleng paglipat ng Filipina death row convict na si Mary Jane Veloso sa Pilipinas para isilbi ang kanyang sentensiya sa pasilidad sa bansa.

Sinabi ng Indonesia media na pinag-iisipang mabuti ng kanilang gobyerno ang posibilidad na payagan ang mga dayuhang bilanggo gaya ni Veloso na bunuin ang kanyang sentensiya sa bansa nito.

Nakiisa naman ang DFA sa sambayanang Filipino sa pagdarasal para sa matagumpay na resolusyon ng kaso ni Veloso.

“One which shall do justice to Ms. Veloso and her family while strengthening the deep bonds of friendship between the Philippines and Indonesia,” ayon sa departamento.

Nauna rito, sinabi ni DFA Undersecretary for Migration Eduardo de Vega na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para iligtas si Veloso, inaresto sa Indonesia noong 2010 dahil sa pagdadala ng suitcase na may laman na 2.6 kilograms ng heroin at kalaunan ay sinentensiyahan ng kamatayan.

Napagtagumpayan naman ni Veloso ang last-minute reprieve mula sa firing squad noong 2015 matapos na arestuhin sa Pilipinas ang babaeng pinaghihinalaang nag-recruit sa kanya.

“Certainly, the Indonesians and the Filipinos have been talking about this for some time and we hope that we’ll come out with a solution, a mutually agreed solution, which will be to the utmost benefit of Ms. Veloso and her family,” ang sinabi ni De Vega.

“We’re also hopeful that we can announce something positive soon,” aniya pa rin.

Sinabi naman ni Atty. Edre Olalia, legal counsel ni Veloso na ito’y isang ‘welcome development’ na dapat na itulak.

“Unique and novel yung situation kaya nagbibigay siya ng bagong pag-asa kasi kung tutuusin mo, kung walang death penalty sa Pilipinas, ano ‘yung susunod na kaparusahan ay ‘yung tinatawag na life imprisonment,” ang sinabi ni Atty Olalia.

“Unique siya, welcome development siya kasi nagbuka eh. Matagal na panahon na nananawagan tayo ng klemensiya sa Indonesia, sa dati nilang presidente, eh ito medyo bumuka. Kasi malinaw diyan sa pahayag na isinasalin na sa Philippine government ang pagpapasya,”ang sinabi pa rin nito.

Ang paliwanag pa ni Olalia na ang kasunduan ay paglipat din ng responsibilidad sa manganagsiwa ng kaparusahan.

Gayunman dahil sa walang death penalty sa Pilipinas, bubunuin ni Veloso ang habambuhay na pagkabilanggo sa kulungan.

“Sa sitwasyon ni Mary Jane, nakalagay doon sa pahayag na inililipat ng Indonesia sa option, o responsibilidad, o pagpapasya ng Philippine government, kung gusto nito magbigay ng klemensiya,” aniya pa rin.

“Pero sa panig ng Indonesia, as far as Indonesia is concerned, tumitindig sila na ‘yung conviction of death penalty ay dapat respetuhin,” ang sinabi ni Olalia.

Samantala, inalis ang death penalty sa Pilipinas noong 2006, sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kris Jose