Home NATIONWIDE Pagpaslang sa brodkaster kinondena ng NPC

Pagpaslang sa brodkaster kinondena ng NPC

136
0

MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng National Press Club (NPC) ang pagpaslang sa broadcaster na si Julito “Jaz” Diamante Calo sa Negros Occidental, at nanawagan ng masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga salarin.

Ayon kay NPC president Leonel Magistrado Abasola, ang insidente ay panibagong banta sa kalayaan sa pamamahayag at kaligtasan ng mga mamamahayag.

“Taos-puso kaming nakikiramay sa pamilya, kaibigan, at mga kasamahan ni Calo. Ang kanyang pagkamatay ay paalala sa panganib na kinakaharap ng mga mamamahayag sa pagtupad ng kanilang tungkulin,” aniya.

Si Calo, host ng “Waswasanay sa Quinto Distrito” sa 88.3 DNN News FM at job order worker ng lokal na pamahalaan, ay binaril noong Marso 20 habang nasa tapat ng kanyang bahay.

Batay sa paunang ulat, nakatayo ang biktima nang dumating ang isang puting SUV at pagbabarilin siya ng isa sa mga sakay bago tumakas.

Iginiit ng NPC na kolektibong responsibilidad ang pagprotekta sa press freedom at hinimok ang media at civil society na magkaisa sa pagtatanggol sa karapatan ng mga mamamahayag.

Nanawagan din ito sa publiko na tumulong sa pagbibigay ng impormasyon upang mapabilis ang paglutas ng kaso. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here