Para sa makataong kadahilanan, suportado ni Senator Francis “Tol” Tolentino ang aksyon ng gobyerno na payagan ang pagpasok ng 300 Afghan sa Pilipinas habang pinoproseso ang kanilang Special Immigrant Visa (SIV) para sa paninirahan sa Estados Unidos.
Ang inisyatiba ay bahagi ng pagsisikap ng Washington na suportahan ang mga dating kaalyado kasunod ng paghahari ng Taliban sa kapangyarihan, 3 taon na ang nakararaan.
Ito ay alinsunod din sa isang kasunduang nilagdaan noong Hulyo 29, 2024 sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na niratipikahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 25, 2024 upang pansamantalang kupkupin ang Afghan refugees habang pinoproseso ang kanilang mga SIV.
“I commend our government in its decision to strengthen its commitment to international treaties, emphasizing that adherence not only reflects the country’s values but also enhances its global standing,” sabi ni Tolentino.
“Ang 300 Afghans po ay persecuted sa kanilang lugar. This representation is in full support of the hosting of the refugees in the Philippines, as a compassionate and solidarity-driven initiative,” dagdag niya.
Sinabi ng senador na ang pagtanggap sa mga refugee ang pinakamataas na pamantayan pagdating sa pagsunod sa internasyonal na pangako sa karapatang pantao.
Ang Pilipinas, sabi ni Tolentino, ay paulit-ulit na nagpapakita ng pagtataguyod sa karapatang pantao, kasama ang paglahok sa mga pangunahing internasyonal na kasunduan tulad ng Universal Declaration of Human Rights, ang 1951 Refugee Convention at ang 1967 Protocol nito, at ang International Covenant on Civil and Political Rights.
“We Filipinos have a proud history of extending humanitarian aid to those in need, including Jewish refugees during the era of President Manuel L. Quezon and Vietnamese refugees after the Vietnam War. Recently, we also provided assistance to Rohingya refugees,” ani Tolentino.
Ang Afghan refugees ay mananatili sa isang pasilidad na pinatatakbo ng US State Department nang hanggang 59 araw. Pinahihintulutan silang umalis para lamang sa mga panayam sa konsulado ng embahada.
Susuportahan ng gobyerno ng US ang lahat ng kanilang kailangan, kabilang ang pagkain, pabahay, pangangalagang medikal, seguridad at transportasyon upang makumpleto ang pagproseso ng visa.
“Let us ensure that our 300 Afghan brothers and sisters are treated with dignity and respect,” ayon sa mambabatas.