Home NATIONWIDE Pagpataw ng bagong buwis sa junk foods, pinalagan sa Senado

Pagpataw ng bagong buwis sa junk foods, pinalagan sa Senado

MANILA, Philippines- Pinalagan ni Senator Idol Raffy Tulfo ang anti-poor na plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan na ng buwis ang mga chichirya o junk foods sa susunod na taon.

Aniya, ang mga chichirya ay ang abot-kayang meryenda ng mga mahihirap at kung minsan pa nga ay ginagawa pa itong ulam ng mga Pilipino sa sektor ng poorest of the poor.

Kadalasan pa nga, dagdag niya, ito ay nagiging necessity na sa kanila sa halip na luxury. Kaya kapag pinatawan ito ng buwis, magiging dagdag-pasakit ito para sa mga mahihirap.

“Bakit pinagdidiskitahan ng BIR ang mga chichirya at nais nilang patawan ng buwis ang mga ito? This is very anti-poor!” giit niya.

“Kung ang pakay nila ay para makalikom ng dagdag kita para sa kaban ng bayan mula sa mga consumer products, bakit ‘di nila punteryahin ang mga luxury items gaya ng mga food supplements, protein bars, energy bars, slimming drinks pati na maging mga cosmetic products?” dagdag niya.

Sa ilalim ng panukala tungkol sa buwis, sinabi ni Finance Secretary Ben Diokno na plano ng DOF na magpataw ng ₱10 kada 100 gramo o ₱10 kada 100 mililitro ng buwis sa mga pre-packaged na pagkain, kabilang ang mga confectioneries, meryenda, dessert, at frozen na confectioneries.

Sinabi ni Tulfo na dapat ay ibaling ng BIR ang kanilang atensyon sa food supplements at cosmetic products.

Binigyang-diin niya na ang food supplements at cosmetic products ay mga multi-billion pesos industry at nakatitiyak ang BIR na bilyones din ang kanilang malilikom na buwis mula rito kung kanilang nanaisin.

“Dito, hindi maaapektuhan ang mga maliliit nating kababayan dahil ang tumatangkilik ng mga produktong ito ay mga consumers na hindi naghihikahos,” pahayag ni Tulfo.

Sa dahilan naman ng Department of Health (DOH) sa pagsang-ayon sa BIR para ma-discourage daw ang mga consumer ng chichirya dahil sa high sodium contents nito para maiwasan ang diabetes at obesity, tugon ni Tulfo: “Bakit hindi nila kausapin ang manufacturers para babaan ang paghalo ng sodium dito?”

Gaya umano sa Singapore na nakahanap ng low sodium substitute ang manufacturers doon para sa ilan nilang mga processed food product na hindi naman nalalayo ang lasa. Ernie Reyes