Home METRO Motorsiklo nadulas, rider pumailalim sa truck

Motorsiklo nadulas, rider pumailalim sa truck

MANILA, Philippines- Sugatan ang 27-anyos na rider matapos maipit sa dump truck ang kaliwang paa nang dumulas ang minamaneho niyang motorsiklo sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kaagad na isinugod ng nagrespondeng ambulansiya sa Chinese General Hospital ang biktimang si John Francis Ivan Pascual, residente ng 06 M. Domingo St. Brgy. Tangos habang inaresto naman ni Traffic Enforcer Teejay Derder ang driver ng dump truck na nakarehistro sa White Dragon Trucking Services na si Dennis Lacsi, 31, ng San Felix, Sto Tomas, Batangas.

Lumabas sa pagsisiyasat ni P/Cpl Florencio Nalus ng Navotas Police Station na tinatahak ng biktima, sakay ng kanyang motorsiklong Yamaha Mio na may plakang 178TBE ang kahabaan ng Road 10, Brgy. NBBS Proper dakong alas-7:40 ng gabi patungong Maynila nang hindi kaagad niya napansin ang pagpasok sa garahe ng dump truck.

Nang mag-preno ang biktima, dumulas ang minamaneho niyang motorsiklo at pumailalim sa dump truck na dahilan upang maipit ang kanyang kaliwang paa sa ilalim ng sasakyan.

Bandang alas-9 na ng gabi nang tuluyang maalis ang motorsiklo ng biktima sa ilalim ng dump truck kaya’t iniutos ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig na i-impound ang dump truck, pati na ang motorsiklo ng biktima.
Nakatakda ng iprisinta sa piskalya ng Navotas City ang driver ng dump truck para sa kakaharaping kasong reckless imprudence resulting in physical injury and damage to property. Boysan Buenaventura