Home OPINION BITAY SA MGA RAPIST-KILLER

BITAY SA MGA RAPIST-KILLER

PANAHON na talagang buhayin ang parusang bitay, lalo na sa mga nangre-rape at pumapatay sa kanilang mga biktima..

Pinakahuling biktima si Eden Joy Villacete, 21, ng Calintaan, Occidental Mindoro at architecture student ng Occidental Mindoro State College.

Natagpuan ang kanyang naaagnas nang bangkay na hubad at may mga saksak sa katawan sa kanyang boarding house sa Brgy. 7, San Jose.

Nadiskubre ang krimen makaraang magreklamo ang kanyang mga kapitbahay sa masangsang na amoy sa lugar.

Rumesponde ang mga pulis sa ilalim ni Occidental Mindoro  Provincial Police Col. Jun Dexter Danao at San Jose Police at natagpuan nila ang naging kalunos-lunos na sinapit ng biktima.

Bagama’t hinihintay pa ang pagsusuri sa bangkay ng biktima, pinaniniwalaang ginahasa ito dahil hubad siya nang matagpuan.

TULONG-TULONG

Nagtutulong-tulong na ang lahat ng mga opisyal ng lalawigan, bayan at barangay para matulungan ang pamilya ni Villacete na makamit ang katarungan.

Pinangunahan ni Gary Valera, chief executive officer (CEO) ng local radio station Care FM Network, sa pamamagitan ng programang “Pag-Usapan Natin” ni broadcaster Mariboy Ysibido ang fund raising campaign bilang pabuya sa makapapagtuturo sa mga rapist-killer ng biktima at ikadarakip ng mga ito.

Kabilang sa mga tumulong sina Governor Eduardo Gadiano, Vice Governor Diana Tayag, San Jose Mayor Rey Ladaga at pamahalaan nito, mga taga-Care FM, Board Member Alex robles del Valle, Brgy. Bagong Sicat Captain Ismael Cacayurin at iba pang hindi nagpakilala.

Mahirap mang trabaho ang paghahanap ng sinomang suspek sa krimen, tiyak na kumikilos na sina Col. Danao para rito.

SUNOD-SUNOD NA BIKTIMA

Nauna rito, ni-rape at pinatay rin ang arkitektong si Vlanche Marie Bragas saka iniwan na nakatakip ng mga dahon ng saging ang kanyang bangkay sa isang banana plantation sa Calinan district, Davao City sa kalagitnaan nitong buwan ng Mayo.

Nakababa na si Bragas para maglakad pauwi sa kanilang bahay nang suntukin ito at mawalan ng malay saka isinakay ng apat na biktima palayo.

Kinabukasan, natagpuan na ang bangkay nito sa sagingan.

Natagpuan ding nakagapos sa puno at posibleng ni-rape pa ang isang 19 taong gulang na estudyante sa Palac Road, Barangay Buenavista, Santiago, Isabela sa kalagitnaan ng nakaraang buwan.

Naganap ito makaraang magpaalam ang biktima na magsamba ngunit hindi na nakauwi.

Mayroon pang naunang mga pinagpapatay at ginahasa na rin.

BITAY ANG NARARAPAT

Talaga namang karumal-dumal ang ganitong uri ng krimen at nararapat lang ang bitay sa mga salarin.

Sa kaso ni Bragas, nahuli ang tatlong suspek ngunit isa rito ang napatay, isa ang nawawal at isa ang nakakulong habang hinahanap pa ang pang-apat.

Pero sa kaso ng taga-Isabela at taga-Occidental Mindoro, wala pang balita ukol sa mga suspek at ganito rin ang sa kaso ng iba pang mga biktima.

O ibalik na ang bitay.