Home NATIONWIDE Pagpatay sa 7 obrero kinondena ng mga opisyal sa Antipolo

Pagpatay sa 7 obrero kinondena ng mga opisyal sa Antipolo

MANILA, Philippines – Kinondena ng mga opisyal ng Antipolo City LGU ang pagpatay sa pitong mga manggagawa sa isang panaderya sa Barangay Cupang.

Sa pahayag, sinabi ng Antipolo City government na kinokondena nila ang “disturbing” at “senseless” massacre ng mga manggagawa nitong Martes ng umaga.

“Mga kababayan, sa diwa ng Pasko ng Pagkabuhay, hinihikayat natin ang lahat na yakapin ang kapayapaan, pagkakaunawaan, at malasakit sa isa’t isa sa ating pang-araw-araw na buhay. Magtulungan tayo upang buuin ang isang komunidad kung saan hindi kailanman mananaig ang karahasan,” saad sa pahayag.

“Taos-puso po kaming nakikiramay sa lahat ng mga naiwan ng pito na Masbateñong biktima. Kasama po kayo sa aming mga panalangin. Lubha po naming ikinalulungkot ang kanilang pagkawala–lalo’t sa kamay ito ng kapwa nila Masbateño rin na kusa na rin sumuko at nasa kamay na ng mga awtoridad.”

Nauna nang sinabi ni PCol. Felipe Maraggun, Rizal police chief, sa panayam sa radyo na ang pagpatay ay dahil sa hindi pagkakaunawaan ng suspek at kanyang co-owner.

Agad na sumuko ang suspek sa Philippine National Police headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Nasa kustodiya na ito ng Antipolo City police.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Barangay Chairperson Peter Papel Jr. na walang lugar sa Barangay Cupang ang ganitong karahasan.

“Sa mga panahong puno ng takot at lungkot, mas kailangan natin ang pagkakaisa at pananampalataya. Gawin nating sentro ng ating buhay ang Diyos na Siya ang ating lakas, gabay, at pag-asa. Huwag po tayong padadala sa takot, bagkus magkapit-bisig tayong lahat bilang isang komunidad na may malasakit sa kapwa,” ani Papel.

“Sama-sama nating panatilihin ang katahimikan, kaayusan, at kapayapaan sa Barangay Cupang. Maghilom tayo bilang isang nagkakaisang sambayanan, na may pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal sa isa’t isa,” dagdag pa niya. RNT/JGC