MANILA, Philippines – Iminungkahi ng isang mambabatas ang posibilidad na mag-renta ng barkong pandigma para sa West Philippine Sea (WPS).
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Senator Francis Tolentino, na ang rent system ay para bantayan ang mga isla ng Pilipinas sa WPS.
Idinagdag pa ng Senador na malaki ang matitipid ng bansa sa oras na rumenta ng kinakailangang barkong pandgma.
Hindi hamak din aniya na mas mabilis ang magiging deployment ng bansa lalo na ngayong umiinit ang tensyon sa pinagtatalunang teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ibinahagi rin ni Tolentino na napag-aralan na niya ang naturang sistema at may impormasyon na rin kung saan at sino ang kakausapin para sa lease agreement ng mga barkong pandigma ng bansa.
Samantala, sinabi rin ni Tolentino na tama lang ang ginawa ng gobyerno na i-atras ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.
Ayon kay Tolentino, ito ay dahil may mga crew na rin aniyang dehydrated at nagkakasakit makaraang maubusan ng suplay ng pagkain bukod pa sa kailangan na ring i-repair ang barko.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)