MANILA, Philippines – Pinuri ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Agosto 26 ang Philippine National Police sa pagsagip sa umano’y human trafficking victims sa implementasyon ng arrest warrant laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Sa pahayag, sinabi ng Department of Justice na ang mga biktima ay nasa ilalim na ng pag-iingat ng mga pulis matapos sumailalim sa evaluation at assessment ng Departmet of Social Welfare and Development.
“l also call for a stronger collaboration between and among the DOJ through the Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), the PNP, and the DSWD to ensure airtight cases against the perpetrators with the end view to delivering justice to their victims,” saad sa pahayag ni Remulla.
Hinimok ni Remulla ang mga biktima at kanilang pamilya, maging ang mga miyembro ng KOJC na maaari silang lumapit kasabay ng pagsisiguro ng kanilang kaligtasan at proteksyon.
“Let us continue fighting this human trafficking menace which hounds society particularly the vulnerable sector,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng Police Regional Office sa Davao region na nasagip nila ang isang lalaki at babae na pinigilan makaalis ng compound ng Kingdom of Jesus Christ.
Ang dalawang nasagip ay miyembro ng simbahan ng puganteng pastor na si Apollo Quiboloy na nahaharap sa kasong child abuse, sexual abuse, at human trafficking sa mga korte sa Davao City at Pasay City.
“May taga-Eastern Samar na parent ng 21 years old, male. Nag-request ng police assistance para ma-rescue ang kanilang anak na nasa loob ng KOJC compound. Gusto na raw nitong umuwi ng Samar,” sinabi ni Police Maj. Catherine Dela Rey, PRO 11 spokesperson.
Ani Dela Rey, ang isa pang tao na mula Midsayap sa Cotabato, ay humiling ng kaparehong tulong para sa kanyang ina na hindi rin pinayagan na umalis ng compound.
Sa kabila nito, itinanggi ng legal counsel ng KOJC, Atty. Israelito Torreon, na mayroong mga biktima ng human trafficking sa loob ng compound.
“The police allegedly rescued one member for violation of anti-human trafficking law. That is not true. That should have been presented before you,” aniya. RNT/JGC