Home HOME BANNER STORY Pagsasampa ng kasong qualified human trafficking vs Alice Guo oks sa DOJ...

Pagsasampa ng kasong qualified human trafficking vs Alice Guo oks sa DOJ – PAOCC

MANILA, Philippines- Inaprubahan ng Department of Justice (DOJ) prosecutors ang paghahain ng kasong qualified human trafficking laban sa sinibak na Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at iba pa.

“Our task group will file the information in Capas, Tarlac next week,” ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio sa X (dating Twitter).

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Justice Undersecretary Nicky Ty na sa ilalim ng batas, ang mga indibidwal na nag-organisa ng establisimyento na may kinalaman sa human trafficking ay maaaring panagutin para sa human trafficking.

“So ‘yung depensa ng kampo ni Alice Guo at ng iba pang mga respondent na hindi naman sila ‘yung nag-recruit, hindi sila ‘yung nanakit, hindi sila nag-torture o kung anu-ano man ng biktima ng human trafficking, hindi uubra ‘yan sa bagong batas natin,” ayon kay Ty.

“Basta mapakita na may kinalaman ka sa pagtayo o pag-organize ng isang kumpanya na nadawit sa human trafficking, maaari kang makasuhan ng human trafficking,” dagdag niya.

Maliban kay Guo, sinabi ni Ty na ang DOJ ay maghahain rin ng reklamo laban kina Zhang Ruijin, Lin Baoying, at Huang Zhiyang, na kinilala ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) bilang “boss of all bosses” ng illegal POGOs.

“Also included was former Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan, as well as other incorporators,” wika ni Ty.

Para naman kay Casio, ang “trafficking in persons” ay hindi mangyayari kung ang “foreign financiers” at “partners” ni Guo ay hindi nagpapartisipa.

“The crimes that are alleged to have been committed by Alice Guo [would] not have happened if these people did not enable her through their finances. So very important na makasuhan din sila,” ayon kay Casio.

Samantala, tumanggi naman si Ty na pangalanan ang lahat ng respondents, sa katuwirang maaaring takasan ng mga ito ang batas.

“Hindi muna namin sasabihin lahat dahil may risk, ‘no, baka may flight risk kung malaman nila na kasama sila sa mga nakasuhan at hindi pa sila kasama sa ILBO na in-issue ni [Justice] Secretary [Jesus Crispin] Remulla sa BI,” pahayag ni Ty.

Sinabi naman Atty. Je Clerigo, abogado ni Cunanan, hindi pa nakatatanggap ng anumang kopya ng DOJ resolution sa nasabing usapin ang kampo ng kanyang kliyente.

“Our comment is, this is totally unexpected because, if you read the Complaint in all of the cases in the DOJ, there is absolutely no evidence that Dennis is a conspirator in any conspiracy,” ang sinabi ni Clerigo.

Matatandaang sanib-pwersa ang PAOCC at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa paghahain ng reklamo laban kay Guo noong Hunyo. Isinumite naman ito para sa resolusyon noong Agosto 6.

Hindi naman nagtagal ay naghain naman si Guo ng motion to reopen the investigation at inamin ang kanyang counter-affidavit, na isinumite naman ng kanyang kampo noong Agosto 16 at muling inihain noong Setyembre 6.

Ang counter affidavit ay ninotaryo noong Agosto 14 sa San Jose Del Monte City, Bulacan. Inamin naman ng abogado na nag-notaryo sa dokumento na kahit hindi nagpakita si Guo para personal na manumpa sa kanya.

Dedma naman ang mga taga-usig ng pamahalaan ayon kay Ty sa isinumiteng counter affidavit ni Guo.

“Alam naman natin kung bakit, ano? Dahil lumalabas talaga na hindi siya humarap sa notaryo publiko. At bukod doon ‘no, kasi hindi naman talaga general rule na puwede sa notaryong publiko eh,” giit ni Ty.

“Tuwing mga preliminary investigation, ‘yung mga abugado niya humihiling ng extension o ng resetting dahil hindi daw maka-appear si Alice Guo dahil natatakot o dahil gusto niya bantayan ‘yung kanyang mental health,” dagdag niya.

Sinabi ni Ty na ito na ang magiging template para sa mga “future cases” na mae-encounter ng DOJ.

“Tingin ko sa mga susunod na araw kung madami pa tayong mga kasong ifa-file, itong ginawa ng team sa Bamban, ‘no, sa pamumuno ni Chief Benjie, ito magiging template sa mga future cases,” pahayag ng opisyal.

Maliban dito, nahaharap din si Guo sa graft case sa Tarlac court at isang money laundering complaint sa DOJ. Kris Jose