MANILA, Philippines- Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang mga claim tungkol sa pagtanggal ng coverage para sa mga indirect contributor ay talagang “erroneous, misguided, at misinformed” at tiniyak sa publiko na patuloy na matatanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang mga benepisyo.
Inihayag ng PhilHealth ang kanilang “malalim na pag-aalala” sa mga mapanlinlang na pahayag na ginawa ng Medical Action Group hinggil sa umano’y unilateral na pagtanggal ng Department of Budget and Management (DBM) ng PhilHealth coverage para sa 30 milyong benepisyaryo, kabilang ang mga miyembro ng 4Ps, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at ang kanilang mga dependent para sa taong 2024.
“This statement is utterly erroneous, misguided, and misinformed,” giit ng PhilHealth .
Binigyang-diin din ng PhilHealth na lahat ng Pilipino, bilang awtomatikong miyembro ng National Health Insurance Program, ay ginagarantiyahan ng agarang pagiging kwalipikado para sa mga benepisyo ng health insurance sa tuwing nangangailangan sila ng medikal na paggamot saan mang accredited na pasilidad ng kalusugan.
Sinabi ng PhilHealth na “nakalulungkot” na sinipi ng Medical Action Group ang Section 12 ng Republic Act 7875, na inamyendahan ng RA 10606, na nangangailangan ng ilang buwang kontribusyon bago makakuha ng mga benepisyo. Ang requirement na ito ay pinawalang-bisa na ng UHC Law, na nagkabisa noong 2019.
Sinabi ng PhilHealth na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga nasa marginalized at vulnerable na sektor, na hindi direktang nag-aambag sa programa, ay maaaring ma-access ang kanilang mga benepisyo anumang oras na kailanganin nila ito, gaya ng ginagarantiya ng UHC Law.
Samantala, hinimok ng PhilHealth ang publiko na “maging maingat at manatiling mapagbantay laban sa disinformation na naglalayong makapanlito.”
Tiniyak ng PhilHealth sa mga miyembro at partner health facilities nito na nakikipagtulungan ito sa DBM at Kongreso upang matiyak na ang mga kontribusyon para sa mga hindi direktang nag-aambag ay “pinopondohan nang maayos” sa pamamagitan ng mga subsidiyang ibinibigay ng Kongreso sa pamamagitan ng general appropriations laws. Jocelyn Tabangcura-Domenden