MANILA, Philippines- Nanawagan ang iba’t ibang non-government organization sa Department of Justice na itigil na ang pagsasampa ng mga kasong terorismo para lamang makaalis ang Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF).
Nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng DOJ ang Defend NGOs Alliance na binubuo ng mga government organization para tutulan ang isinampang terrorism cases laban sa 69 development workers at 29 NGOs sa buong bansa.
Sinabi ni National Union of Peoples’ Lawyers Secretary General Josa Deinla na dapat itigil na ng pamahalaan ang pagsasampa ng umano’y mga gawa-gawang kaso at pag-imbento umano ng mga kaso batay sa mga testimonya ng mga pekeng testigo kasama na ang rebel returnees.
Inakusahan ng grupo ang pamahalaan na mayroon tinatawag na ‘Project Exit Grey List’ kung saan walang habas umano itong nagsasampa ng mga hindi totoong kaso para lamang makamit ang quota ng FATF.
Ang FATF ay isang international body na nagtatakda ng standards para labanan ang money laundering at terrorism financing.
Hinikayat din ng Defend NGOs Alliance ang Anti-Money Laundering Council na itigil ang pag-iisyu ng freeze orders laban sa mga NGO dahil ang tunay na naaapektuhan ay ang mismong mga benepisyaryo ng NGO.
Iginiit ng grupo na dahil sa inilalabas na freeze orders, napaparalisa ang operasyon ng mga NGO na naghahatid ng serbisyo sa mahihirap na lugar kabilang ang pagkakaloob ng disaster relief. Teresa Tavares