Home METRO Pagsibak sa mga pulis sa Davao binatikos ni Mayor Duterte

Pagsibak sa mga pulis sa Davao binatikos ni Mayor Duterte

DAVAO CITY- Mariing kinondena ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte noong Linggo ang pagtanggal sa pwesto sa 35 pulis sa lungsod dahil sa pagkamatay ng ilang indibidwal na may kinalaman sa ilegal na droga.

Kabilang sa inalis sa pwesto ay si Davao City Police chief P/Colonel Richard Bad-ang na ngayon ay nasa ilalim ng administrative suspension para sa gagawing imbestigasyon sa naganap na patayan na may kinalaman sa iligal na droga noong Marso 2024.

Ayon kay Baste, ang ginawa ng mga tauhan ng Davao City Police Office ay kahanga-hanga dahil napanatili nila ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod sa pagsusumikap ng kanyang administrasyon na matulungan ang kapulisan para masugpo ang ilegal na droga at mabawasan ang bilang ng krimen na madalas ay droga ang pinagmulan.

Aniya, base sa kanilang datos, mas bumaba ng 69% ang krimen sa lungsod kumpara noong Mayo 2023.

Mula Marso 23 hanggang 26, pitong drug suspect ang nasawi sa magkahiwalay na buy-bust operation.

Nanindigan naman ang alkalde na legal at matibay ang ebidensya sa naganap na buy-bust operations at walang nilabag na batas.

Dagdag pa ng alkalde, nanawagan siya ng transparency at pagiging patas sa gagawing imbestigasyon para agarang maibalik sa kanilang pwesto ng mga natanggal na pulis. Mary Anne Sapico