Home NATIONWIDE Pagsirit ng dengue cases sumampa sa ‘outbreak’ levels – DOH

Pagsirit ng dengue cases sumampa sa ‘outbreak’ levels – DOH

MANILA, Philippines- Patuloy na tumataas ang mga kaso ng dengue sa bansa habang nakatakdang magdeklara ang Department of Health (DOH) ng national-level outbreak ng mosquito-borne viral disease.

Sa pagbanggit sa pinakahuling datos nito mula Enero 1 hanggang Àgosto 10, ang DOH ay nakapagtala noong Miyerkules ng kabuuang 150,354 kaso ng dengue sa buong bansa– katumbas ng average na 4,700 kaso bawat linggo.

Ang bilang ay mas mataas ng 39 porsiyento kumpara sa 107,953 kaso ng dengue na naiulat sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ito rin ang pinakamataas na naitalang bilang ng mga kaso sa nakalipas na limang taon.

Kabuuang 396 pagkamatay ang iniulat sa buong bansa na mas mababa sa 421 pagkamatay na naitala sa parehong panahon noong 2023.

Lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Soccskargen, Zamboanga Peninsula at Bicol Region ay nagpakita ng pagsirit ng mga kaso sa nakaraang buwan.

Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang dengue ay may seasonal pattern, kaya anng case count ay inaasahang tataas sa panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Herbosa, mas mainam na ang publiko ay maagang nagpapakonsulta kaya mas mababa ang bilang ng namamatay.

Nauna nang sinabi ni Herbosa na nagdedeklara ng national dengue epidemic pagkatapos ang mga kaso ng dengue ay umabot sa mga antas ng outbreak, batay sa kanyang pakikipag-usap sa DOH Epidemiology Bureau.

Ang deklarasyon ng epidemic ay magbibigay-daan sa pambansang pamahalaan na tukuyin kung saan kailangan ang isang lokal na pagtugon at hayaan ang mga local government unit na gamitin ang kanilang quick response fund upang matugunan ang malawakang pagkalat ng sakit. Jocelyn Tabangcura-Domenden