MANILA, Philippines – Sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, House quad comm lead chair, nitong Sabado, Pebrero 8 na may ebidensya na umamin si Vice President Sara Duterte sa isang “kill plot” laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Ito ay kasunod ng pagtanggi nitong Biyernes ni Duterte na pinagbantaan niya ang buhay ni Marcos.
Ito ang unang article sa impeachment complaint na pinirmahan ng higit 215 House members na ipinadala sa Senado para litisin.
Ani Duterte, ang pahayag niya noong 2024 ay kinuha umano ‘out of context.’
“‘Yung videos, ‘yung pahayag na ating bise presidente, kaya nga po naisama po ‘yan [sa complaint] and kaya nga po may proseso,” saad sa pahayag ni Barbers.
“May kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kaniya na kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta at si Martin Romualdez. No joke. Nagbilin na ako,” matatandaan na sinabi ni Duterte sa isang live video noong nakaraang taon.
“‘Pag namatay ako, sabi ko, ‘wag ka tumigil hanggang hindi mo mapatay sila and then he said ‘yes’,” dagdag pa niya.
Dahil dito ay itinuring ng Palasyo ang mga naging pahayag ni Duterte bilang isang “active threat.”
“Meron pong mga nakadikit na ebisensya po [They have evidence attached],” sinabi naman ni Barbers patungkol sa pagtatanggi dito ni Duterte.
“Hindi naman pupuwede ‘yun. Bigyan natin ng proseso, bigyan natin ng due process e karapatan naman din niya bilang bise presidente at kahit sino sa atin karapatan natin na depensahan ang ating sarili sa mga ganitong klase ng mga pagkakataon,” pagpapatuloy ni Barbers. RNT/JGC