Home NATIONWIDE Pagtataas sa pondo ng mga LGU sa maayos na pagpapatupad ng mga...

Pagtataas sa pondo ng mga LGU sa maayos na pagpapatupad ng mga programa ipinangako ni PBBM

77
0

MANILA, Philippines – NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na lalakihan niya ang pondo para sa mga local government units (LGUs) upang mapalawig pa ng mga ito at mapahusay ang kanilang mga programa.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang naging pagbisita sa Batangas City matapos na pangunahan ang pamamahagi ng bigas sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF).

Sinaksihan din ng Pangulo ang nagpapatuloy na orientation ng Presidential Scholars under the Socio-Civic Projects Fund (SCPF) at pinangunahan ang turnover ng SCPF financial assistance sa Association of Barangay Captains (ABC) Presidents.

Sa naging talumpati ng Pangulo, nanawagan ito sa mga lokal na opisyal na maayos na ipatupad ang mga programa upang sa gayon ay makakuha ng karagdagang pondo para sa susunod na taon.

“Pag sa ating mga government officials, sa ating mga local government, pagbutihan ninyo itong ginagawa nating mga programang ito,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Pag maganda ang maging resulta nito, asahan ninyo sa susunod na budget, lalakihan pa namin ang pondo para dito,” aniya pa rin.

Sa pamamagitan ng mabilis na koordinasyon ng Batangas provincial government kasama ang administrasyon, ang paggamit ng LGSF ay mabilis na naipatupad.

Ito ay isang mekanismo na naglalayon na maghatid ng mabilis na tulong sa mga mamamayan, mas direkta, at mas epektibo sa pamamagitan ng pinalakas na lokal na pamahalaan. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here