MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila na mahigpit nang ipinagbabawal ang pagtatakip ng mukha sa kabisera ng bansa makaraang maging ganap na ordinansa ang “Manila Anti-Balaclava ordinance”.
Batay sa nasabing ordinansa, na ang pangunahing may-akda ay si Manila 1st District Councilor Ret. Lt.Col. Jhun Ibay, ipinagbabawal ang pagsusuot ng balaclava, face mask (maliban kung pangkalusugan), hoodies na nakatakip ang mukha, at anumang headgear na nagtatago ng pagkakilanlan sa loob ng commercial at government buildings, at kapag nakababa o naka-standby sa motorsiklo.
May kaakibat naman na parusa at multa ang sinomang lalabag sa nasabing ordinansa kung saan ang first offense ay may multang P1,000 at P3,000 para sa ikalawang offense. Nahaharap naman sa multang P5,000 kapag lumabag ng ikatlo o higit pang beses at maaaring makulong ng 15 araw at posibleng irekomenda para sa revocation ng driver’s license sa Land Transportation Office.
Nakasaad naman sa Section 4 ng nasabing ordinansa, bawal magsuot ng helmet, mask, balaclava o anumang face-covering kapag papasok o nasa loob ng mga commercial, government o pampublikong establisimyento.
Bawal din ang pagsusuot nito kapag bumaba ang rider o angkas sa loob ng 3 metro mula sa motorsiklo para sa kahit anong dahilan, tulad ng pag-aayos ng motor at pagbili sa tindahan o palengke.
Hindi rin dapat nagsusuot nito kapag bumaba mula sa motor at nakahinto, naghihintay o naka-standby sa pampublikong lugar tulad ng kalsada, eskinita, sidewalk, easements, shoulders, parks, parking lots, market areas at iba pa.
Nakasaad din sa ordinansa na bawal ang pagtangging tanggalin ang headgear kapag inatasan ng mga opisyal ng batas o barangay, mga security guard o iba pang opisyal ng gobyerno.
Ipinagbabawal din ang pagsusuot sa mga iba pang katulad na sitwasyon kung saan ang pagkakakilanlan ng rider ng motorsiklo ay dapat malinawan o mapatunayan.
Samantala, may mga “exemption” na inilaan ang Maynila sa ipinapatupad na ordinansa at isa rito ay ang mga panahon ng public health emergencies kung saan inirerekomenda o ipinag-uutos ng Department of Health o IATF ang pagsusuot ng face mask.
Hindi rin saklaw ng ordinansa ang riders in motion o mga drayber o pasahero na nakasakay pa rin sa motor at pansamantalang huminto dahil sa traffic lights, road signs o pinara ng traffic enforcers; exempted din ang mga law enforcer na nasa opisyal na tungkulin, lalo na sa emergency o hot pursuit operations.
Hindi rin kabilang ang mga may malubhang karamdaman o comorbidities na kinakailangang magsuot ng face mask gayundin ang mga religious exemptions, kabilang ang mga gumagamit ng turbans o anumang headgear na bahagi ng kanilang pananampalataya. JAY Reyes