MANILA, Philippines – Pinangunahan ng First Couple na sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Louise Araneta-Marcos, araw ng Linggo, Nobyembre 23 ang taunang Christmas tree lighting ceremony sa Kalayaan Grounds sa Malacañang, pormal na pagsisimula ng Yuletide season sa Palasyo ng Malakanyang.
Sinabi ng Pangulo na ang Pasko ay palaging may bitbit na ‘espesyal na kahulugan’ para sa mga filipino.
“Like I’ve always said, we are the only country that puts up Christmas decorations starting in September and people cannot understand why that is. But that is because we are Pinoys and Christmas has a special meaning for Filipinos,” ayon sa Pangulo.
“That’s why we celebrate it really very, very, very seriously and really take the time out to once again be with family, once again be with loved ones,” dagdag na wika nito.
Tinuran pa ng Pangulo na para sa milyong mga filipino na nagta-trabaho at naninirahan sa ibang bansa, ang Pasko ay ang tanging panahon na magbabalik-bayan ang mga ito para makasama ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
“Kaya naman pagka dumating na ang Disyembre, ayan na lahat ng binyag na hinintay nila ng anim na buwan, lahat ng kasal, lahat ng reunion, sabay-sabay na ‘yan pagdating ng Pasko,” sinabi ng Pangulo.
“And of course that always includes family and the kids. Christmas is for children. But you know, children of all ages though. Because whatever age you are, you can still enjoy Christmas as well as any child,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, pinanood naman ng First Couple kasama ang kanilang mga bisita ang “Puso ng Pasko,” isang Filipino Christmas ballet na ipinamalas ng Alice Reyes Dance Philippines kasama ang Manila Symphony Orchestra at Ryan Cayabyab Singers.
Nakuha ng first full-length, all-Filipino Christmas ballet, “Puso ng Pasko” ang tunay na diwa ng Paskong Pinoy sa ilalim ng mentorship ng National Artist for Dance Alice Reyes na may musical arrangements ni National Artist for Music Ryan Cayabyab.
Sa kabilang dako, nagkaloob naman ang First Couple ng mga parangal at premyo sa tatlong nanalo at tatlong special awardees ng “Isang Bituin, Isang Mithiin” isang nationwide parol-making contest.
Samantala, ngayon sa ikaapat na taon, ang national Christmas lantern-making competition ay nakatanggap ng kabuuang 133 entries mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) training institutes sa buong bansa.
Ang tema ngayong taon, “Ilaw ng Bayan: Parol ng Pag-asa at Pagkakaisa,” ang parol-making contest na binibigyang diin ang ‘Filipino craftsmanship’ at unique na paraan ng mga filipino sa pagdiriwang ng Pasko. (KRIS JOSE)