MANILA, Philippines – Isang dating miyembro ng Philippine Army ang nagpahayag ng pagkabahala matapos maglabas ng affidavit si Aklan 2nd District Representative Teodorico Haresco Jr. bilang suporta sa kanyang Chief of Staff na si Benjie Tocol, na kasalukuyang iniimbestigahan sa kasong may kaugnayan sa Republic Act 10168 o ang “Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.”
Sa panig ni Sgt. Mallan Mendoza, isang retiradong sundalo mula sa 3rd Civil-Military Operations Battalion, nakababahala aniya ang pagsuporta ng isang halal na opisyal sa isang taong isinasangkot sa sensitibong kaso.
“Maraming sundalo na ang nagbuwis ng buhay para maprotektahan ang Aklan laban sa NPA. Pero si Haresco, pinili pang ipagtanggol ang taong inaakusahan ng koneksyon sa NPA kaysa sa kapayapaan at seguridad ng probinsya,” dagdag pa niya.
“Sa halip na tumulong sa law enforcement units sa laban kontra terorismo, ginagamit pa nila ang kanilang posisyon para makialam. Hindi ba’t ito ay gaslighting at power manipulation? Insulto ito sa aming mga sundalong nag-aalay ng buhay para mapanatiling mapayapa ang aming probinsya,” ani Mendoza.
Ang pahayag ni Mendoza ay kaugnay ng affidavit ni Rep. Haresco na isinumite sa piskalya, kung saan iginiit ng solon na si Tocol ay isang “trusted employee and confidant” na nagsilbing Chief Political Affairs Officer ng kanyang opisina sa loob ng limang taon. Ipinahayag din niya na si Tocol ay may mataas na moralidad, may prinsipyo, at hindi kailanman nasangkot sa kahit anong gawaing labag sa batas.
Binanggit rin ni Haresco na hindi umano sangkot si Tocol sa anumang pagkilos ng New People’s Army (NPA) at hindi rin ito nagbibigay ng anomang suporta sa mga armadong grupo. Ayon sa kongresista, “It is inconceivable” na si Tocol ay may kinalaman sa anumang ilegal, batay sa kanyang personal na karanasan at pakikipagtrabaho dito.
Dagdag pa niya, ang mga alegasyon ay posibleng may motibong pulitikal, at ang paninira umano sa pangalan ni Tocol ay nagdudulot ng “grave injustice” sa kanyang tauhan.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng alegasyon laban kay Tocol, na nagsasabing ito umano’y nagbigay ng materyal na suporta sa isang miyembro ng NPA. Ang nasabing kaso ay kasalukuyang nasa Department of Justice (DOJ) sa Maynila. RNT