MANILA, Philippines – NIRESBAKAN ng Malakanyang si Vice-President Sara Duterte na hayagang binatikos ang pagbebenta ng gobyerno ng P20 kada kilo ng bigas sa Visayas region.
“Sana po sa mga lider, ang tunay na lider at ang tunay na Pilipino ay dapat sumusuporta sa kapuwa Pilipino lalung-lalo na sa pinuno ng bansa. Huwag sanang pairalin ang crab mentality at huwag maging anay sa lipunan. Magkaisa tayo para matupad ng Pangulo at ng pamahalaan ang mga aspirasyon para sa taumbayan,” ang pahayag ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Bukod dito, kulang na lang ay sabihin ng Malakanyang na lumang tugtugin na ang sinabi ni VP Sara na binubudol lang ng gobyerno ang taumbayan nang ianunsyo ng Department of Agriculture (DA) na mabibili na ang bigas sa halagang P20 kada kilo sa VIsayas.
Matagal na aniyang inisyu ng kampo ni VP Sara na mukhang hindi kakayanin ng Pangulo ang aspirasyon na magkaroon at mag-deliver ng bigas sa halagang bente pesos kada kilo.
“Ngayon po na unti-unting natutupad ang aspirasyon na ito ng Pangulo bakit muli na naman silang nagsasalita, nagiging negatibo?
Muli uulitin natin, ang gusto po ng Pangulong Marcos ay ma-deliver sa taumbayan ang bigas sa murang halaga – noon pa po ito. Pero ngayon po ay nagsusumikap ang ating pamahalaan, ang ating Pangulo na matupad ang aspirasyon na ito,” ang sinabi ni Castro.
At sa tanong kung bakit Visayas ang napili na gobyerno na unang rehiyon na magpatupad ng P20 kada kilo ng bigas, sinabi ni Castro na nabanggit aniya sa kanya ni DA Sec. Francisco Tiu Larel Jr., marami kasing stocks ang NFA sa nasabing lugar.
“Sila po ang naunang nagsabi ng pakikipag-cooperate sa Pangulo sa pagbibigay po ng subsidiya kaya po nauna po ang Visayas area, ito rin po ay pinatotohanan po ni Governor Gwen Garcia. So, bakit naman natin haharangin ang magandang adhikain na ito, ang magandang goal na ito ng Pangulo na makapagbigay ng murang bigas at sa pangunguna po ito sa Visayas area,” ang sinabi ni Castro.
Kaya nga, ang pakiusap ni Castro ay huwag harangin, huwag pagbawalan ang taumbayan na bumili ng murang bigas.
“Ito po muli ay para sa taumbayan, huwag nating hayaang magutom ang taumbayan,” ang sinabi ni Castro.
Sa kabilang dako, binigyang diin ni Castro na hindi pang-hayop ang mabibiling bigas sa halagang P20 kada kilo.
Ani Castro, “hindi porket po mura ang bigas sasabihin na panghayup ang nasabing bigas. Liliwanagin lamang po natin, ang ibebentang bigas ay iyong bigas po na nabibili ngayon sa halagang 33 pesos. So, huwag po nating maliitin ang mga farmers natin dahil local farmers po manggagaling ang bigas na ito.”
Kapag sinabi aniya ng sinuman na ito ay panghayup na bigas ay malinaw aniya na minamaliit ang mga magsasaka na nagbebenta sa NFA at sa gobyerno.
“So, huwag po nating hayaan dahil ang bigas po na ito ay talagang nabibili na po. Marami na pong bumili ng bigas na ito sa halagang 33 pesos. Same po, parehong bigas po ang ibebenta,” ang tinuran ni Castro.
Sa ulat, nagpahayag ng pangamba si VP Sara na maaaring ibenta ng gobyerno ang mga bigas na ginagamit bilang pakain sa mga baboy.
“‘Pag sinabi natin na P20 per kilo na bigas, ‘yung pwede kainin ng tao… ‘Yan ‘yung P20 per kilo na binibenta, ‘yung pinapakain sa baboy. Hindi mga hayop ang mga Pilipino. Kapag nagbenta kayo ng P20 per kilo, bibili kami lahat kasi pwede siya kainin ng tao,” ang sinabi pa rin nito.
Sinakyan naman ni Castro ang sinabi ni VP Sara na huwag magpabudol sa pamahalaan.
Ani Castro, “tama po na huwag magpabudol dahil maaaring magamit na naman ito at masabotahe ng mga fake news peddlers, magpanggap na buyers at ipapakitang hindi maganda ang bigas. Tandaan natin, ito pong bigas na ibebenta sa halagang bente pesos ay iyong parehong bigas na ibinibenta sa halagang 33 pesos.”
Samantala, sapat naman aniya ang pondo ng pamahalaan para rito.
Ang nais aniya ng Pangulo para sa susunod na taon ay mabigyan ng budget ang programang ito para sa taumbayan. Kris Jose