Home NATIONWIDE Pagtatayo, pagpapalakas ng disaster-resilient communities, iniatas ni PBBM sa LGUs

Pagtatayo, pagpapalakas ng disaster-resilient communities, iniatas ni PBBM sa LGUs

1
0

MANILA, Philippines – Pinalakas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang papel ng local government units (LGUs) sa pagtatayo ng disaster-resilient communities sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktang financial assistance para sa rehabilitasyon at rekonstruksyon base sa premise na alam nila ang katotohanan sa ground.

“LGUs know their people’s struggles and what it takes to help them rebuild. And for this, we spare no expense,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos sa isinagawang ceremonial turnover ng pondo sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP) sa Heroes Hall sa Palasyo ng Malakanyang.

Winika ng Pangulo na inaprubahan ng gobyerno ang P8.6 billion para sa 306 LGUs na labis na naapektuhan ng bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan mula 2024 hanggang 2026 para pahintulutan ang mga lokal na opisyal na tukuyin at iprayoridad ang rehabilitation projects base sa aktuwal na pangangailangan ng kanilang komunidad.

Saklaw ng tulong ay ang mga napinsalang lansangan, tulay, eskuwelahan, health facilities, evacuation centers, sakahan at pabahay.

Sinabi ng Pangulo na batay sa kanyang karanasan bilang dating ghobernador ng Ilocos Norte, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng LGUs sa pagtukoy sa mga pangangailangan ng komunidad, pagpapatupad ng rehabilitation projects, at tiyakin na ang mga lokal na opisyal ay mayroong kinakailangang resources para epektibong makatugon sa kanilang mga nasasakupan.

Tinuran pa ng Pangulo na magbibigay ang national government ng resources na kailangan para tulungan ang LGUs na maibalik ang mahalagang serbisyo at pangkabuhayan.

Kasabay nito, sinabi pa ng Pangulo na dapat na matuto na ang mga komunidad sa mga nakalipas na sakuna at paghusayin ang kanilang paghahanda para sa mga kalamidad sa hinaharap.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ng Pangulo ang LGUs na palakasin ang kanilang abilidad o kakayahan na i-dokumento at iulat ang disaster damage sa Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Makatutulong aniya ang tamang report para masuri ng national government ang lokal na pangangailangan at paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Sa inaprubahang tulong, P6 billion ang nailabas na habang ang natitirang P2.5 billion ay pino-proseso pa.

“Sama-sama nating itatayo muli ang ating mga komunidad, mas matatag at mas handa, tungo sa isang Bagong Pilipinas, kung saan walang maiiwan at walang mawawalan ng pag-asa,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Sa isang panayam, pinatotohanan naman ni Naga City Mayor Leni Robredo ang sinabi ni Pangulong Marcos na walang political color sa pagbibigay o distribusyon ng tulong pinansiyal mula sa national government sa mga LGUs na labis na naapektuhan ng kalamidad.

Sa katunayan, tinukoy ni Robredo ang attendance ng mga lokal na opisyal sa nasabing event. Kitang-kita aniya ang iba’t ibang political party at at iba’t ibang political affiliations na nakiisa sa okasyon.

Tiniyak naman ni Robredo na ang P20 million na ibinigay ng national government sa Naga City ay magagamit sa tama at hindi sa ghost projects. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here