Home NATIONWIDE Pagtugis kay Roque ‘di pag-aaksaya ng pera ng gobyerno – Castro

Pagtugis kay Roque ‘di pag-aaksaya ng pera ng gobyerno – Castro

MANILA, Philippines – HINDI pag-aaksaya ng oras at pera ang paghahanap sa isang pugante na katulad ni dating Presidential spokesperson Harry Roque.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na kung ‘concerned’ talaga si Roque sa pondo ng bayan ay dapat at mas maganda kung magboluntaryo na siyang umuwi ng Pilipinas para hindi na siya pag-aksayahan ng oras at ng pera ng gobyerno.

Nauna rito, sinabi ni Roque na nag-aaksaya lamang ang PNP-CIDG ng pera ng bayan at sinabing baka “kickback” lang ang habol sa pagbubuo ng tracker team.

Nakarating kasi Roque ang balita na hinahanap siya ng tracker team na binuo ng Philippine National Police (PNP) kahit alam umanong nasa Netherlands siya.

May arrest warrant si Roque, Cassandra Ong, at iba pa kaugnay ng qualified trafficking na konektado sa POGO scam hub sa Porac, Pampanga.

Ani Castro, hindi pag-aaksaya ang paghahanap ng isang pugante tulad ni Roque lalo na at may mga kasong dapat itong harapin at sagutin sa Pilipinas.

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na tila si Roque na lamang ang naniniwala na mayroong political persecution laban sa kanya dahil mismong dating kasama noon sa gabinete na si Atty. Salvador Panelo ay nagsabing dapat na bumalik siya sa Pilipinas upang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya.

Malinaw aniya na ang pagsama-sama ni Roque sa mga Duterte ay ginagawang dahilan para sabihing pinagdidiskitahan siya ng administrasyon.

Si Roque ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa korte at naisyuhan na ng warrant of arrest at plano ng gobyerno na magpatulong sa interpol upang mapauwi ito sa bansa.

“Mukhang si Atty. Harry Roque na lang naman ang naniniwala sa kaniyang pananaw na may political persecution. Ito malamang ay ang pagtatago niya ng kaniyang maaaring liability at ang kaniyang pagsama-sama sa mga Duterte ay ginagawa niyang panangga para patunayan na mayroong political persecution pero kahit na ang kaniyang dating naging kaalyado ay hindi naniniwala sa kaniyang mga tinuran,” ang sinabi ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Samantala, kaisa si Atty. Salvador Panelo sa panawagang umuwi na lang si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque.

Kasunod ito ng arrest order na inisyu laban kay Roque ng Angeles Court para sa qualified uman trafficking case.

Sa isang panayam, sinabi ni Panelo na abugado naman si Roque kaya umuwi na dapat ito ng bansa.

Hindi rin naniniwala si Panelo na biktima si Roque ng political persecution ng administrasyon.

Aniya, galing na mismo sa bibig ni Roque ang ilang issues at lumabas na mayroon talaga siyang contradiciton at inconsistensies.

Si Panelo at Roque ay kapwa nagsilbing presidential spokesperson sa ilalim ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Kris Jose