MANILA, Philippines – Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na hinihimok nito ang gobyerno na itigil na ang hindi tamang panahon na pag-aangkat ng agricultural product dahil nagiging result ito ng krisis sa sektor ng agrikultura at pagbagsak ng mga local product.
Ayon sa KMP, ang pinakahuling pag-apruba ng Department of Agriculture (DA) sa 4,000 metrikong tonelada ng pag-aangkat ng sibuyas—sa bisperas ng lokal na panahon ng pag-aani—ay isa pang patunay ng kawalan ng pakiramdam ng administrasyong Marcos Jr. sa kalagayan ng mga Pilipinong magsasaka.
Sa press statement nabatid pa sa grupo ng mga magsasaka na ang importasyon na ito, sa halip na patatagin ang mga presyo ay magpapalala lamang sa patuloy na krisis sa sektor ng agrikultura, ayon sa grupong magsasaka na KMP.
Kaugnay nito, nanawagan ang KMP sa gobyerno na itigil ang pag-aangkat ng agricultural product at unahin ang mga tunay na reporma sa agrikultura.
“Hindi na dapat pahirapan muli ang mga magsasaka dahil sa mga bigong patakaran ng gobyerno at mga maling priyoridad.” ayon pa sa KMP.
“Muli, ipinakita ng DA kung saan nakasalalay ang katapatan nito—hindi sa ating nahihirapang magsasaka kundi sa malalaking mangangalakal at importer na nakikinabang sa mga patakarang ito. Ang pag-angkat ng sibuyas sa panahong ito ay magtutulak sa mga farm gate prices, na mag-iiwan sa ating mga magsasaka sa mas malalim na utang at pagkalugi,” ani KMP chairperson at Makabayan senatorial candidate Danilo Ramos.
Kaugnay nito ang pahayag ng DA na ang pag-aangkat ay kinakailangan upang maiwasan ang pagtaas ng presyo at kakulangan ng suplay ay nakaliligaw.
Makikita mismo sa datos ng Bureau of Plant Industry (BPI) na nasa 8,500 metric tons ang red onion stocks noong kalagitnaan ng Enero, habang nasa 1,628 metric tons ang stocks ng white onion.
Ang produksyon ng domestic sibuyas ay nasa record-high na 264,323 metric tons noong nakaraang taon—ang pinakamataas mula noong 2019—na nagpapatunay na hindi lokal na supply ang isyu.
Nagsimula na ang mga magsasaka sa pag-aani, na may tinatayang 33,000 metrikong tonelada ng sibuyas na inaasahan sa Marso.
“Ang pag-aangkat ng sibuyas ng gobyerno sa kalagitnaan ng panahon ng pag-aani ay sinasadyang sabotahe sa ekonomiya na magpapababa lamang sa kita ng mga magsasaka habang nakikinabang sa ilang importer,” tugon pa ni Ramos. Santi Celario