Home NATIONWIDE Pakikipagtulungan ng NBI sa Interpol sa pagtugis sa nagpapakalat ng fake news...

Pakikipagtulungan ng NBI sa Interpol sa pagtugis sa nagpapakalat ng fake news suportado ng Malakanyang

MANILA, Philippines- Suportado ng Malakanyang ang plano ng National Bureau of Investigation (NBI) na gamitin ang International Criminal Police Organization (Interpol) para matunton ang mga overseas Filipino na nagpapakalat at naglalako ng false information.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang naging pagkilos ng NBI ay dapat na noon pa ginawa.

“Dumadami na po ang mga fake news vloggers at dapat noon pa po nasimulan ito kaya maraming salamat sa NBI,” aniya pa rin.

Nauna rito, inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na bukas umano silang makipagtulungan sa International Criminal Police Organization (Interpol) para tugisin ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng balita.

Sa isang ulat noong Lunes, Marso 24, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na kahit ang mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa na pinagmumulan ng pekeng balita ay maaari nang managot sa tulong ng Interpol.

“Lalo pa’t ‘yong vlogger e US citizen. How can we enforce our law do’n sa citizen nila at hindi naman ‘yon ang umiiral na batas sa kanila? So, tinitingnan namin lahat,” giit ni Santiago.

Dagdag pa niya, “Nag-usap-usap na kami kung paano namin masawata itong mga fake news spreader, mga vloggers na nagbibigay ng fake news, saka ‘yong creators na makapag-create lang kahit hindi tama ‘yong ginagawa nila.”

Matatandaang bukod sa NBI, inihayag din ng Department of Justice (DOJ) ang planong magkasa ng mas malalim na imbestigasyon upang matumbok ang mastermind sa likod ng mga kumakalat na pekeng balita.

Samantala, sinabi ni Castro na inamin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “slightly affected” ito sa nakaaalarmang pagsirit ng fake news sa social media.

Iyon aniya ang dahilan kung bakit inatasan ni Pangulong Marcos ang PCO na paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa misinformation hindi lamang para sa kanyang sarili kundi pati na rin sa bansa. Kris Jose