Home OPINION PAKULO PARA SA WAR VETERANS SALTO

PAKULO PARA SA WAR VETERANS SALTO

LIBRENG sakay sa Metro Rail Transit Line 3 ang alok para sa mga war veteran simula sa araw ng Sabado, Abril 5 hanggang sa Biyernes, Abril 11 kasabay ng paggunita ng Philippine Veterans week.

Sabi ng general manager ng MRT 3 na si Michael Capati ang kanilang alok o programa ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-83 Araw ng Kagitingan at Philippine Veteran’s Week.

Giit pa ng GM ng MRT-3, kinikilala ng kanilang pamunuan ang sakripisyo at kontribusyon ng mga beteranong Pilipino sa ating bansa noong World War II.

Oo nga’t natalo ang mga betereno noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, naipakita naman ng mga ito ang kanilang tatag at pagmamahal sa Inang Bayan.

Kaya naman nararapat lang na bigyang sila ng pagkilala bagaman matatanda na sila.

Dahil nga sa okasyon, naisip nitong MRT 3 na bigyan ng libreng sakay ang mga beterano.

Kaya lang, naisip ba ng pamunuan ng MRT 3 kung ilang taon na ngayon ang mga beterano kahit pa sabihin 15 anyos lang nang makiisa sa “death march” sa Bataan o Corregidor?

Aba’y kung kukuwentahin ang edad ng mga beterano, nasa 95 hanggang 100 taong gulang na sila. Gugustuhin pa ba ng mga ito na gumala o lumaboy kung saan para lang matikman ang libreng sakay ng MRT 3?

Malamang, uugod-ugod na ang mga ito at nanaisin na lang na manatilinsa kanilang bahay upang haplusin ang mga tuhod at balakang na nginangatngat na ng rayuma at iba pang karamdaman.

At para makakuha ng libreng sakay, kailangan magpresinta ng valid ID mula sa PH Veterans Affairs Office o PVAO ang mga beterano.

O, lalong pahirap pa sa mga ito ang pagpila kahit pa sabihin may kasama ang mga ito na libre rin ang sakay. Hirap na ang mga ito sa paglalakad at pagtayo ng matagal.

Bagaman walang pinipiling oras ang pagsakay para sa mga beterano, mananatiling palpak ang naisip na pakulo ng MRT 3 dahil tiyak na mangilan- ngilan na lang ang nabubuhay na mga beterano na hanggang ngayon ay bumibiyahe pa at nagtutungo sa kung saan saan gamit bilang transportasyon ang MRT 3.

Sana, sa susunod na taon sa pakikiisa nila sa pagdiriwang ng Philippine Veterans Week at paggunita ng Araw ng Kalayaan, mas kakagatin at kapaki- pakinabang na proyekto o programa ang kanilang ilunsad para sa mga beterano.

Parang ang programang inilunsad nila ngayon ay beterano sa inuman ang nakinabang. He he he.