Home NATIONWIDE Palasyo: ICI, ‘di Ombudsman dapat mamuno sa flood control probe

Palasyo: ICI, ‘di Ombudsman dapat mamuno sa flood control probe

373
0

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Malacañang nitong Miyerkules na ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), at hindi ang Office of the Ombudsman, ang dapat manguna sa imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control at iba pang infrastructure projects ng pamahalaan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi kailangang buwagin ang ICI kahit na si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ay itinalaga bilang bagong Ombudsman.

“Ang Ombudsman kasi hindi lamang tutok sa flood control projects. Marami pa itong kasong dapat asikasuhin. Kaya hindi ito dahilan para wakasan ang trabaho ng ICI,” pahayag ni Castro sa isang press briefing.

Dagdag niya, kung Ombudsman lamang ang hahawak sa kaso, maaaring matagalan ang proseso ng imbestigasyon. “Kailangan talaga ng isang independent commission na tutok sa pagkalap ng dokumento at ebidensya. Kapag kumpleto na ito, mas mapapadali ang trabaho ng Ombudsman at DOJ sa pag-review at pagsasampa ng kaso,” paliwanag ni Castro.

Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng ICI bilang komplementaryong ahensya na tutulong sa mas mabilis, malinaw, at transparent na pagsisiyasat. “Mas mapapabilis ang trabaho ng Ombudsman at DOJ kung may kumpletong dokumentong manggagaling sa ICI,” aniya.

Tiniyak din ni Castro na suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng hakbang tungo sa transparency at accountability sa mga imbestigasyon. “Ang Pangulo po ay laging naninindigan para sa transparency. Sa lahat ng pag-iimbestiga, dapat walang itinatago,” dagdag niya.

Ayon sa Malacañang, bahala ang ICI kung paano nito isasagawa ang mga proseso nito, ngunit inaasahan na magiging bukas sa publiko ang kanilang mga hakbangin upang mapanatili ang tiwala ng taumbayan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here