Home HOME BANNER STORY Palasyo kay Bato: Sumuko ka na para walang dadakan na dugo

Palasyo kay Bato: Sumuko ka na para walang dadakan na dugo

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Malacañang kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na sumuko na sa mga awtoridad upang maiwasan ang posibleng madugong komprontasyon kaugnay ng pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

“Sumuko ka na. Sumuko ka na kasi para wala nang dugong dadanak,” pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing nitong Miyerkules.

Nauna nang sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nasa Mindanao umano si Dela Rosa at pinoprotektahan ng isang grupo.

Ayon kay Remulla, nakikipag-usap na ang mga awtoridad sa naturang grupo upang maisagawa ang mapayapang pagsuko o turnover ng senador sa halip na magsagawa ng sapilitang operasyon na maaaring humantong sa karahasan.

“He’s in Mindanao. He’s under the protection of a group. We are currently initiating conversations for his turnover to the authorities,” ani Remulla.

Sinabi rin ng DILG chief na mas pinipili nilang idaan muna sa negosasyon ang sitwasyon kaysa magsagawa ng operasyon na maaaring maglagay sa panganib sa buhay ng mga sibilyan at mga awtoridad.

Kasabay nito, nanawagan ang Malacañang sa mga umano’y kumukupkop kay Dela Rosa na huwag hadlangan ang pagpapatupad ng batas.

“Doon sa mga nagkakanlong, alam po natin na dapat natin pairalin ang batas. So huwag kayong magsilbi na kasangkapan ng mga taong dapat napapanagot sa batas,” ani Castro.

May umiiral na arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa kaugnay ng alleged crime against humanity of murder sa ilalim ng Article 7(1)(a) ng Rome Statute.

Ayon sa ICC, may reasonable grounds to believe na umano’y criminally responsible si Dela Rosa bilang indirect co-perpetrator kaugnay ng mga pagpatay na sinasabing isinagawa sa pagitan ng Hulyo 3, 2016 at katapusan ng Abril 2018 habang ipinatutupad ang kampanya kontra ilegal na droga.

Unang inilabas nang kumpidensyal ang warrant noong Nobyembre 6, 2025 bago ito ginawang publiko ng ICC noong Mayo 11, 2026.

Nananatiling at large si Dela Rosa, ayon sa opisyal na tala ng ICC. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here