Home NATIONWIDE Palasyo nagbabala sa publiko sa pagsakay sa panawagang People Power

Palasyo nagbabala sa publiko sa pagsakay sa panawagang People Power

MANILA, Philippines – PINAYUHAN ng Malakanyang ang taumbayan lalo na ang mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na mag-isip, alamin ang tunay na nangyari at kung bakit inaresto ang dating Pangulo bago pa makiisa sa panawagan ng ilang grupo at kaalyado ng dating lider na magtipon sa EDSA at simulan na ang People Power.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa press conference sa Malakanyang na ang nangyayari ngayon sa dating Pangulo ay hindi basta-basta ginawang kuwento dahil ang kasong ‘crimes against humanity’ na isinampa laban dito ay hindi nanggaling sa Pilipinas kundi nakabinbin sa International Criminal Court (ICC).

Hindi rin aniya ito gawa ng pamahalaan dahil gawa ito ng war on drugs na ikinasa ni Digong Duterte sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang dating Pangulo ng bansa.

Ang war on drugs ang signature campaign policy na inakyat si Duterte sa kapangyarihan noong 2016 bilang isang maverick, crime-busting mayor, na tinupad ang kanyang mga binitawang pangako sa matapang na mga talumpati na papatayin ang libo-libong dealer ng droga.

Matatandaang, sa naging pagsalang ng dating Pangulo sa pagdinig ng House quad committee kaugnay ng war on drugs, hinamon nito (Digong Duterte) ang ICC na madaliin na nito ang imbestigasyon sa kanya at sinabing hindi siya natatakot dito.

Ang sabi naman ng Malakanyang, hindi nito pipigilan si Digong Duterte kung gusto niyang sumuko sa hurisdiksyon ng ICC.

Samantala, kinumpirma ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na nananawagan siya sa mga Pilipino para magtipon-tipon sa EDSA matapos arestuhin si dating Pangulong Duterte.

Sa latest episode ng “Afternoon Delight” nitong Martes, Marso 11, sinabi ni Roque na ang layunin umano ng kaniyang panawagan ay upang maiparinig ang saloobin ng mga Pilipino.

“We are calling on people to exercise their democratic rights para marinig ang kanilang saloobin na ang ipinaglalaban dito ay hindi lang ang karapatan ni Presidente Duterte kundi karapatan ng lahat ng Pilipino,” ang sinabi ni Roque.

Ayon sa dating tagapagsalita ng pangulo, “unconstitutional” umano ang pagkakaaresto kay Duterte dahil wala umanong hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas matapos kumalas bilang kasapi nito noong 2018.

Ngunit nauna nang sinabi ng Palasyo na bagama’t hindi umano kinakailangang makipagtulungan ang Pilipinas sa ICC ay obligado raw silang makiisa sa International Criminal Police Organization (Interpol).

Ang arrest warrant na inihain sa dating pangulo ay para sa krimen laban sa sangkatauhan dahil sa pagpapatupad nito ng kontrobersiyal na giyera kontra droga. Kris Jose