MANILA, Philippines – WALANG magiging negatibong epekto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang posibleng pagbasura sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang Pangulo ay ‘has nothing to do’ sa impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ang kaso aniya ni VP Sara ay nasa mga kamay na ng Kongreso.
“So, wala po tayong nakikitang anumang negative impact na mangyayari sa Pangulo dahil hindi po siya kasama sa anumang pagtatagisan ng talino sa debate dito sa Senado,” aniya pa rin.
“So, kung ito man ay ma-dismiss, sabi nga po natin, taumbayan po ang huhusga sa Senado kung ano po ang ginawa nila during the impeachment trial.”
Nauna rito, sa pamamagitan ng botohan mula sa isang mosyon, ibinalik ng Senado — na tumatayong impeachment court– sa Kamara de Representantes ang impeachment case nila laban kay Vice President Sara Duterte. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ibinasura na ang naturang kaso.
Pinagbotohan ang mosyon na inihain ni Senador Bato Dela Rosa, na inamyendahan ni Sen. Alan Peter Cayetano, na ibalik sa Kamara ang kaso dahil may mga usapin na kailangan umanong linawin.
Nakasaad din sa mosyon na hindi nangangahulugan na ibinabasura na ng Senado ang naturang kaso laban kay Duterte.
Matapos ang botohan, 18 senador na tumatayong mga hukom ang bumoto pabor na ibalik sa Kamara ang kaso, lima ang tumutol, at walang hindi bumoto.
“While Marcos is not focused on the impeachment trial, he agrees that public servants must uphold transparency and accountability,” ang sinabi ni Castro.
Binigyang diin pa ni Castro na kailangan lamang na makita ng publiko “who is following the procedure or who is playing with the procedure to avoid or to continue the impeachment trial.”
“So, kapag sinabi po ng Pangulo na proseso, dapat sundin ang batas, dapat sundin ang Konstitusyon,” aniya pa rin.
“Huwag paglaruan ang mga procedure. Iyong naaayon lang po ang paggamit ng procedure at rule of law para ito sa taumbayan, para sa interes ng taumbayan,” ang winika pa ni Castro. Kris Jose