MANILA, Philippines — Ipinunto ng Malacañang na sumasalamin ang ulat ng Asian Development Bank (ADB) sa mabilis at malawak na pagtugon ng pamahalaan sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ito ay kasunod ng report ng ADB na nagsabing kabilang ang Pilipinas sa pinaka-aktibong bansa sa Asia-Pacific sa pagresponde sa oil price surge, kahit pa isa rin ito sa nakaranas ng matinding pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon sa ulat, halos 60 porsyento ang itinaas ng domestic fuel prices mula Pebrero 23 hanggang Abril 20 dahil sa tensyon sa Middle East.
Sa kabila nito, nakapagpatupad ang bansa ng pito sa walong pangunahing polisiya na tinukoy ng ADB upang protektahan ang mga konsyumer at mapanatiling umaandar ang ekonomiya.
Binigyang-diin ng Palasyo na bagama’t hindi kontrolado ng gobyerno ang pandaigdigang krisis, kaya nitong pamahalaan ang bilis at lawak ng tugon upang hindi ito maging pabigat sa mga pamilyang Pilipino.
“Government cannot control the conflict in the Middle East. It cannot dictate world oil prices. But it can control the speed, seriousness, and breadth of its response,” ayon sa pahayag.
Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naglatag ang pamahalaan ng iba’t ibang hakbang kabilang ang targeted subsidies, tulong sa transport sector, ayuda sa mga apektadong pamilya, price monitoring, at pagpapalakas ng suplay ng langis.
Ipinatupad din ang Executive Order 114 na pansamantalang nagsususpinde ng excise tax sa LPG at kerosene sa loob ng tatlong buwan.
Kasabay nito, pinalalakas din ang long-term solutions gaya ng renewable energy upang mabawasan ang pagdepende sa imported fuel.
“This is not a crisis created by the Philippines, but it is a crisis felt by Filipino families,” saad ng Palasyo.
Dagdag pa nito, layunin ng gobyerno na sabay na tugunan ang agarang pangangailangan at ihanda ang bansa sa mas matatag na energy security sa hinaharap. RNT/JGC