MANILA, Philippines – NIRESBAKAN ng Malakanyang ang mga taong tila nagsisilbing balakid sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umasenso ang bansa.
Partikular na binuweltahan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ang naging pagpuna ni Senador Robin Padilla sa inanunsiyo ni Pangulong Marcos na planong sounding rocket launch at pagtatayo ng kauna-unahang spaceport sa bansa.
“Iyong mga tumataas ang kilay, ibaba na nila. Ang iangat natin at ang iakyat natin at ang itaas natin ay ang mga naisin ng Pangulo para sa bansa at para sa taumbayan. Huwag na silang magsilbi na balakid sa mga ninanais ng Pangulo sa pag-asenso ng ating bansa,” ayon kay Castro.
Nanawagan si Padilla na unahing pagandahin ang sistema ng transportasyon sa Bicol bago isulong ang malalaking proyekto kaugnay ng space program ng bansa.
Bagama’t suportado niya ang planong magtayo ng kauna-unahang spaceport sa Cagayan, sinabi niyang mas mahalagang mabigyan muna ng agarang solusyon ang matagal nang problema sa biyahe at kakulangan ng railway system sa Bicol.
Ayon kay Padilla, makatutulong ang isang bullet train upang mapabilis ang paglalakbay ng mga residente ng rehiyon at ng iba pang mga lalawigan, bukod pa sa pagpapalakas ng turismo at kalakalan.
Samantala, sinabi pa ni Castro na bahagi ng obligasyon ng Pangulo sa ginagawa nitong pag-usad sa bansa ay ang tuloy-tuloy na pagtatrabaho.
At nang tanungin naman si Castro kung ano ang nasa isip ng Pangulo sa pag-anunsyo ni Pangulong Marcos na magsasagawa ng rocket launch test sa Pilipinas sa 2027.
“Ito po ay isang parte ng pag-asenso ng bansa. common sense, common sense,” anito.
Matatandaang, sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 27, sinabi ni Marcos na isasagawa ang paglulunsad ng rocket sa pakikipagtulungan sa isang aerospace company mula South Korea.
“A sounding rocket launch test is slated for next year. Yes, we are going to launch a rocket into space,” anang Pangulo, na pinalakpakan ng mga dumalo sa SONA.
Ang sounding rocket ay isang rocket na walang tripulante na idinisenyo upang magdala ng mga instrumentong pang-agham papunta sa itaas na atmospera at sa gilid ng kalawakan, ayon sa National Aeronautics and Space Administration.
Ibinahagi rin ng Pangulo na ang Cagayan ang magiging lokasyon ng kauna-unahang spaceport ng bansa dahil sa potensiyal nito sa larangan ng ekonomiya at teknolohiya. KRIS JOSE