MANILA, Philippines – Pinuri ng Malacañang ang pamahalaang lungsod ng Maynila na pinamununuan ni Mayor Isko Moreno Domagoso matapos nitong magpatupad ng libreng sakay sa jeepney sa gitna ng tumitinding krisis sa presyo ng langis.
Sa pahayag noong Linggo (Marso 29), sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na magandang halimbawa ang programa ng Maynila ng bayanihan at malasakit sa panahong ramdam ng publiko ang taas-presyo ng krudo.
“Pinapahalagahan namin ang hakbang ng Maynila na sagutin ang operasyon ng libu-libong jeep para makapaghatid ng libreng sakay sa mga pasahero,” ani Recto.
Ayon pa sa opisyal, ang ganitong hakbang ay patunay ng “damayan” para maibsan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng langis sa mga ordinaryong Pilipino.
“Magkakasama nating malalampasan ang hirap na dulot ng krisis na hindi natin kagagawan pero matinding tumatama sa atin,” dagdag niya.
Nauna nang inanunsyo ni Domagoso na sasagutin ng lungsod ang kita ng mga jeepney driver para makapagbigay ng libreng sakay sa ilalim ng Executive Order No. 14.
Sa programang inilunsad noong Marso 27, tiniyak ni Domagoso o na may siguradong kita ang mga driver at operator.
“Hihiramin ko ang jeep at driver. Garantisadong bayad araw-araw. May kita ang operator, may kita ang driver… at higit sa lahat, libre ang sakay ng ating mga kababayan,” pahayag ng alkalde.
Tinatayang mahigit 1,400 jeep ang lalahok sa programa na makakapagsilbi sa halos 100,000 pasahero kada araw sa iba’t ibang ruta sa Maynila at karatig lugar.
Ang libreng sakay ay tatakbo muna ng limang araw sa loob ng dalawang linggo, ngunit posible pa itong palawigin depende sa pondo ng lungsod. JAY Reyes