MANILA, Philippines – Itinanghal ang Palawan bilang #1 na pinakamahusay na isla na bisitahin sa 2025 ayon sa US News & World Report. Nakamit ng isla ang unang pwesto dahil sa mga tahimik nitong dalampasigan, makulay na marine life para sa snorkeling, at maraming pagpipiliang isla para sa island hopping.
Tinalo nito ang 23 kilalang destinasyon gaya ng Santorini sa Greece, Tahiti, at Bahamas.
Ilan sa mga pangunahing lugar na binanggit sa ulat ay ang Kayangan Lake sa Coron, Bacuit Bay sa El Nido, at ang Puerto Princesa Underground River na kinikilala bilang UNESCO World Heritage site.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinarangalan ang Palawan. Noong nakaraang taon, pumwesto rin ito bilang ika-13 sa Travel + Leisure at ika-10 sa listahan ng Wanderlust Travel Magazine na base sa tatlong milyong boto mula sa 168,000 mambabasa.
Ipinapakita ng mga pagkilalang ito na malaki ang naitutulong ng sustainable tourism sa pagpapanatili ng ganda ng Palawan. Bukod sa likas nitong yaman, patok din ito sa mga turista dahil sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino. RNT