Home NATIONWIDE Revilla, Tolentino at Villar, tinanggap na pagkatalo sa Halalan 2025

Revilla, Tolentino at Villar, tinanggap na pagkatalo sa Halalan 2025

Kasama ni Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino sina Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. at Senator Ramon 'Bong' Revilla Jr. sa isang okasyon sa Dasmariñas City, Cavite noong Huwebes kung saan nagbigay ng tulong ang Pangulo sa mga mangingisda at magsasaka.

MANILA, Phiippines – Pormal nang tinanggap nina Senador Francis Tolentino at Ramon “Bong” Revilla Jr. ang kanilang pagkatalo sa midterm elections noong Mayo 12, 2025.

Pareho silang tumakbo sa ilalim ng Bagong Alyansa slate ng administrasyong Marcos.

Sa isang video na kuha sa Luneta, inamin ni Tolentino ang hirap sa pagpapaliwanag ng mga isyung gaya ng West Philippine Sea, kung saan aniya siya na lang ang nagsasalita.

Nagpasalamat siya kay Pangulong Marcos, sa kanyang pamilya, at sa mga sumuporta sa kanyang kampanya. Giit niya, magpapatuloy pa rin ang laban para sa soberanya ng bansa, lalo na laban sa malalaking bansang gaya ng China.

Nagpasalamat din si Revilla sa kanyang mga taga-suporta at tinawag na isang pribilehiyo ang makapagsilbi sa publiko. Hinikayat niya ang pagkakaisa sa kabila ng halalan.

Samantala, tinanggap na rin ni Senador Cynthia Villar ang kanyang pagkatalo sa pagtakbo bilang kinatawan ng Las Piñas.

Sa kanyang Facebook post, nagpasalamat siya sa tiwala ng mga taga-lungsod at sinabing hindi doon nagtatapos ang kanyang serbisyo publiko. Aniya, ipagpapatuloy niya ang mga programang makakatulong sa bayan. RNT