Binaril at napatay sa gitna ng TikTok livestream ang 23-anyos na beauty influencer na si Valeria Marquez sa loob ng salon kung saan siya nagtatrabaho sa Zapopan, Jalisco, Mexico.
Sa video, hawak niya ang isang stuffed toy at tila kinakabahan habang sinasabi ang “paparating na sila.”
Ilang sandali lang, may pumasok at binaril siya. Patuloy pang nag-stream ang video at saglit na nakita ang mukha ng isang tao bago ito natapos.
Iniimbestigahan ang insidente bilang kaso ng femicide—ang pagpatay sa kababaihan dahil sa kanilang kasarian—dahil sa marahas na paraan ng krimen. May halos 200,000 followers si Marquez sa Instagram at TikTok. Bago ang insidente, nabanggit niyang may dumaan sa salon na may dalang mamahaling regalo para sa kanya, at tila siya ay nag-aalala.
Isa ang Mexico sa mga bansa sa Latin America na may pinakamataas na kaso ng femicide, at kabilang ang Jalisco sa mga lugar na may pinakamaraming naitalang karahasan laban sa kababaihan. RNT