MANILA, Philippines – Pinayagan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga complainant sa kaso ni retired general Jovito Palparan na makausap ito sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) upang tiyaking nakakulong pa rin siya.
Ayon kay NBP Superintendent Gary Garcia, pinayagan sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño, kasama ang kanilang mga abogado, na makausap si Palparan nang mahigit isang oras matapos aksiyunan ng BuCor ang kanilang kahilingan sa mismong araw na isinumite ito.
“Sana noon pa nag-request na sila para hindi na nagkaroon ng kalituhan, dahil willing naman ang BuCor at transparent ang aming ahensya pagdating sa mga ganyang bagay,” ani Garcia.
Sinabi ni Garcia na matagal nang nakalagay si Palparan sa Minimum Security Compound dahil sa usaping pangseguridad. Nagsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang isang pangkat mula sa Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa kalagayan ni Palparan.
Iginiit naman ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na nananatiling bukas at transparent ang ahensya at prayoridad nitong tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng persons deprived of liberty (PDLs) nang walang espesyal na pagtrato sa sinumang bilanggo.
Nahatulan si Palparan ng isang korte sa Bulacan noong 2018 ng kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng University of the Philippines students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño. Dave Baluyot