MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga bansang tumatanggap ng overseas Filipino workers (OFWs) upang matiyak ang ligtas at makataong kondisyon sa trabaho.
Sa kanyang talumpati sa harap ng Filipino community sa Osaka, Japan nitong Sabado, Hunyo 21, sinabi ng Pangulo na ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat upang maging maayos ang proseso ng pagbibigay ng trabaho at deployment ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
“Masigasig din ang ating pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansang tumatanggap ng ating manggagawa para makabuo ng bilateral labor agreement upang matiyak natin na ligtas at makatao ang trabaho at nabibigyan ng pagkakataong umunlad ang ating kababayan,” ani Marcos.
Dagdag niya, may naghihintay ring mas magagandang oportunidad para sa mga OFW na nais nang umuwi at manirahan sa Pilipinas nang permanente.
Patuloy din umano ang pagpapatupad ng pamahalaan ng mga programa at serbisyo para sa kapakanan ng mga OFW.
“I recognize the weight of your sacrifice and the strength that it takes to provide for your families from afar. And that is why we will never tire of honoring you and finding ways to improve your lives. You are at the heart of our government’s efforts and you deserve not only our gratitude, but you deserve our full support,” pahayag ng Pangulo.
Pinuri rin ni Marcos ang mahalagang papel ng kabataang Filipino-Japanese sa pagpapatatag ng ugnayan ng Pilipinas at Japan.
Tiwala ang Pangulo na lalo pang lalalim ang kooperasyon at pagkakaibigan ng dalawang bansa sa mga susunod na taon.
“Through you, we continue to write new pages in the history of the relations between our two countries… to support our nation’s aspirations for unity, for peace, and for prosperity,” dagdag ni Marcos.
Nasa Osaka si Pangulong Marcos para sa isang working visit matapos ang imbitasyon ni Japanese Prime Minister Ishiba Shigeru upang dumalo sa World Expo 2025 at bisitahin ang Philippine Pavilion.
Nagkaroon din siya ng serye ng pagpupulong kasama ang mga lider ng turismo at negosyo sa Japan. RNT/JGC