Home NATIONWIDE Pamamahiya, pangmamaliit sa bata ‘di katanggap-tanggap – SC

Pamamahiya, pangmamaliit sa bata ‘di katanggap-tanggap – SC

MANILA, Philippines – Hindi pa rin makatwiran ang pagpapataw ng malupit, nakakababa at nakakahiyang paraan ng pagpaparusa sa mga anak kahit pa sabihin na para ito sa ikabubuti ng bata.

Ito ang nakasaad sa desisyon ng Supreme Court kaugnay sa kaso ng magulang na namahiya at nagkalat ng masasakit na tsismis laban sa 14-anyos na girlfriend ng anak.

Sa 21 pahinang decision na pinonente ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, ibinasura ng SC ang petisyon ng mag-asawa na kumuwestyon sa resolusyon ng Court of Appeals na nagdeklara na dapat silang managot para sa mga pinsalang idinulot sa girlfriend ng anak.

Kinatigan ng SC ang desisyon ng CA na dapat magbayad ng danyos ang mag-asawa dahil sa ginawang panghaharass, pananakot at pagpapakalat ng hindi totoo at malisyosong tsismis laban sa girlfriend ng kanilang anak.

Iginiit ng Korte Suprema na dapat managot sa batas ang sinuman na sisira at magmamaliit sa dignidad at tunay na halaga ng isang bata.

Pinagtibay ng Supreme Court ang resolusyon ng CA at inatasan ang mag-asawa na magbayad ng P30,000 bilang moral damages, P20,000 bilang exemplary damages, at P30,000 bilang attorney’s fees at litigation expenses.

Ipinataw din ng Korte ang legal interest rate na 6% per annum hanggat ideklarang pinal ang desisyon.

Sa rekord ng kaso, hindi sang-ayon ang mag-asawa sa relasyon ng anak sa biktima kung kaya ginawa nito ang lahat upang mapaglayo ang dalawa.

Ilang beses nagparinig ang nanay ng lalaki na tinawag ang girlfriend ng anak na
malanding babae at makati.

Dahil sa ginawa ng mag-asawa, dumanas ng depression ang 14-anyos na bata at nawalan ng gana na maging aktibo sa paaralan.

Naalis din sa kanya ang pagiging honor student at student leader. Teresa Tavares