Home HOME BANNER STORY PBBM sa miting ni Ex-PRRD SA China: ‘May mga napag-usapang confidential’

PBBM sa miting ni Ex-PRRD SA China: ‘May mga napag-usapang confidential’

MANILA, Philippines – TUMANGGI si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na idetalye ang naging pakikipagulong nito kay dating Pangulong  Rodrigo Roa Duterte.

Matatandaang, nagpunta ng Palasyo ng Malakanyang noong nakaraang linggo si Duterte para makapulong si Pangulong Marcos at pag-usapan ng mga ito ang naging meeting ng una kay Chinese President Xi Jinping in China.”

Inusisa kasi ng mga mamamahayag si Pangulong Marcos sa isang event sa Bulacan ukol sa naging pulong nila ni Duterte, ang naging sagot ni Pangulong  Marcos ay mas nais nito na panatilihing confidential ang kanilang naging pag-uusap dahil may kinalaman ito sa ‘operational aspects’ ng Philippine military.

“There are other things na napag-usapan  which I think need to remain confidential, that’s between President Digong and myself. Again, these are operational aspects of our military, of our Navy, of our Coast Guard, kaya’t mahirap masyado pag-usapan. I hope you will indulge me there,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Ang video  mula sa Presidential Communications Office (PCO) at mga larawan mula sa official Facebook ni Senador Bong Go ay nagpapakita na bumalik sa Malakanyang ang mga dating miyembro ng gabinete ni Duterte noong Agosto 2.

Kabilang dito sina Go, dating special assistant to the President; at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.

Noong nakaraang buwan, nakipagpulong si dating Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa Beijing, ayon sa state media ng China.

Iniulat na sinalubong ni Xi si Duterte sa Diaoyutai State Guesthouse.

Kasama ni Duterte si dating executive secretary Salvador Medialdea, habang kasama ni Xi si State Counselor Wang Yi, Communist Party of China (CPC) Committee ng Ministry of Foreign Affairs member Ma Zhaoxu, Vice Minister of Foreign Affairs Sun Weidong, at Assistant Foreign Affairs. Ministro Hua Chunying.

Ayon kay Hua ­Chunying, tagapagsalita ng Chinese Ministry of Foreign Affairs, sinabi ni Xi na pinahahalagahan niya ang piniling strategy ni Duterte upang mapabuti ang relasyon ng Pilipinas at China sa panahon ng kanyang pagkapangulo.

Pinahahalagahan din ng China ang relasyon nito sa Pilipinas at handang makipagtulungan sa Maynila sa pagpapanatili ng paglago ng bilateral relations.

Nagpahayag din si Xi ng pag-asa na ang da­ting pinuno ng Pilipinas ay patuloy na magsusulong ng “friendly cooperation” sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na batid niya ang byaheng ito ni Duterte sa China at malugod niyang tinanggap ang  anumang bagong linya ng komunikasyon sa  Asian power sa gitna ng mga usapin sa  South China Sea. Kris Jose

Previous articlePamamahiya, pangmamaliit sa bata ‘di katanggap-tanggap – SC
Next articleALAMIN: Paalala ng Comelec sa paghahain ng COC