Home NATIONWIDE Vietnam nangako ng suplay ng bigas sa Piipinas- Romualdez

Vietnam nangako ng suplay ng bigas sa Piipinas- Romualdez

MANILA, Philippines – Nangako ang bansang Vietnam na makakakuha ang Pilipinas ng maaasahan at murang bigas, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.

Nakuha ni Speaker Romualdez ang commitment ng Vietnam sa naging pakikipagpulong nito kay Vuong Dinh Hue, pangulo ng National Assembly of Vietnam sa bisperas ng pormal na pagbubukas ng 44th AIPA (ASEAN Parliamentary Assembly) General Assembly.

Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mag-aangkat ng bigas ang Pilipinas kung kukulangin ang lokal na produksyon nito sanhi ng pananalasa ng mga bagyo gayundin ang banta ng El Niño phenomenon.

Sinabi ni Romualdez na ang pangako ng Vietnam ay mahalaga sa harap na rin ng ipinatupad na export ban sa bigas ng India, ang pinakamalaking exporter ng bigas.

Ang export ban ng India ay tiyak na makakaapekto sa suplay lalo na sa Africa at Asya.

“Ang Vietnam ang pangunahing pinanggagalingan ng imported na bigas ng Pilipinas pero kung dito na rin umano kukuha ang iba pang bansa ay maaaring malimitahan ang maaari nitong ibigay kaya ang naging pangako ng Vietnam ay makatutulong upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas sa Pilipinas,” paliwanag ni Romualdez.

Bilang kapalit, sinabi ni Speaker Romualdez na handa ang Pilipinas na tulungan ang Vietnam sa mga pangangailangan nito.

Sinabi ni Romualdez kay Hue na nais nitong mapalawak ang kooperasyon ng Pilipinas at Vietnam sa larangan ng enerhiya at digital transformation.

Pinag-usapan din ng dalawa ang posibleng pagpapalakas ng palitan ng kalakal ng dalawang bansa gaya ng produktong pang-agrikultura at materyales sa konstruksyon gaya ng semento.

Samantala, inimbita ni Hue si Speaker Romualdez na bumisita sa Vietnam upang masuklian ang naging mainit na pagtanggap dito ng kanyang bisitahin ang Kongreso ng Pilipinas noong Nobyembre 2022.

Nagpasalamat si Hue sa resolusyon na pinagtibay ng Kamara upang palakasin ang kooperasyon ng Pilipinas at Vietnam sa pamamagitan ng Philippine-Vietnam Parliamentarians’ Friendship Society.

Ibinigay ni Romualdez ang kopya ng House Resolution 34 nang dumalaw ito sa Kamara sa Quezon City. Gail Mendoza